Default Thumbnail

Yate nasunog, sumabog; 2 Turkish nat’ls nasagip

June 17, 2023 Zaida I. Delos Reyes 393 views

MASUWERTENG nailigtas ang dalawang Turkish nationals matapos na masunog at sumabog ang sinasakyan nilang yate nitong Biyernes sa karagatang sakop ng Limbones Island sa Barangay Papaya, Nasugbu, Batangas.

Ang dalawang biktima ay kinilalang sina Erdinc Turerer at Ergel Abdulla, pawang mga Turkish national.

Batay sa ulat ng Calabarzon (Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) police, nasagip ang mga biktima dakong 7:00 ng gabi, Hunyo 16.

Ayon sa imbestigasyon, dakong 3:00 ng madaling araw ay binalya ng malalaking alon ang yate ng mga biktima dahilan upang tumilapon amg kanilang reserbang fuel na nakalagay sa container at kumalas sa engine room na umabot sa gas tank na naging sanhi ng sunog at pagsabog.

Nagawa namang tumalon ng mga biktima bago pa sumabog ito subalit sila ay nagkahiwalay dahil sa madilim pa ang paligid.

Patungo sana sa Ilocos Norte mula San Isidro ang nasabing yate ng mangyari ang insidente.

Nagawang mailigtas si Turerer ng mga mangingisdang napagawi sa may karagatan ng Bgy. Payapa na siya ring nag-ulat sa insidente sa Nasugbu Municipal Police Station (MPS) matapos maihatid sa dalampasigan ang biktima.

Samantala, isang search and rescue operation naman ang agarang inilunsad ng Nasugbu Coast Guard at pulisya sa isa pang nawawalang biktima subalit ito ay nasagip naman ng napadaang M/V Lady Martina.

Ang ikalawang biktima ay nagtamo ng 1st degree burn sa kanyang dalawang hita at kanang kamay.

Nasa maayos na kondisyon na ang dalawang Turkish nationals matapos isugod sa Jabez Medical Center sa Nasugbu, Batangas.