
Yassi lutang ang appeal, kaseksihan sa ‘Isolated’
PASADO sa panlasa ng moviegoers ang pagbabalik-pelikula at first hardcore horror-thriller outing ni Yassi Pressman na “Isolated” na palabas na sa mga sinehan nationwide.
Gaya ng sabi ng co-star niyang seasoned actor na si Joel Torre, talagang ibang klaseng Yassi ang mapapanood sa movie na dinirek ni Benedict Mique.
Kung noong magsama raw sila sa Kapamilya action series na “FPJ’s Ang Probinsyano,” eh, nakitaan na niya ito ng pagiging seryoso sa trabaho, hinigitan pa ito ng aktres nang gampanan ang papel ni Rose, private nurse ng misteryosong retired military man at dementia patient na si Peter (Joel).
Halatang pinaghandaan ni Yassi ang role dahil sa gitna ng physical scenes, takbuhan, katatakutan, lutang na lutang pa rin ang nagmumura niyang kaseksihan at appeal sa close-up shots.
Agree naman ang mga nanood sa red carpet premiere ng “Isolated” sa SM North EDSA kamakailan na bago sa panlasang Pinoy ang pagkakatahi ni Direk Benedict ng kwento ng pelikula.
Epektibo nga ang jump scare scenes nito, lalo na sa mga pagkakataong bumabandera ang pagiging pasaway ni Rose.
Sa dami rin ng twists and turns ng istorya, unpredictable at makapigil-hininga ang bawat eksena kaya masasabing isa itong matinding thrill ride mula umpisa hanggang katapusan.
Bukod kay Yassi na markado ang performance sa movie, tumatak at hindi rin matatawaran ang ipinamalas na pagganap nina Joel at Candy Pangilinan.
Overall, gaya ni Joel, nakaka-surprise makita na kering-keri rin pala ni Direk Benedict ang mamahala ng ganitong genre.
Kasama sina Yayo Aguila, Gwen Garci, Wilbert Ross at Denise Esteban, palabas pa ang “Isolated” sa mga sinehan nationwide mula sa Viva Films.