Default Thumbnail

‘Win-win solution’

October 7, 2021 Marlon Purification 592 views

Marlon PurificationPAG bukas ko ng online news Huwebes ng umaga, agad bumungad sa akin ang panibagong pahayag ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Tatapusin na lang daw niya ang kanyang termino bilang alkalde ng lungsod at hindi na ipagpapatuloy ang planong pagtakbo sa pampanguluhan.

“Masakit din para sa aking damdamin na sana’y magpaubaya sa mga kaibigan na hindi ko maibigay ang gusto n’yo,” anang Inday Sara sa kanyang FB Page.

Kahit paulit-ulit ang mga pahayag ni Mayora na hindi na siya sasabak sa ‘presidential race,’ marami pa rin ang umaasang magbago ang isip nito.

Noong Sabado, Oktubre 2, nag-file ng certificate of candidacy si Senador Bong Go, kasama ang ama ni Inday Sara na si Pangulong Rodrigo Duterte sa Comelec-PICC Forum Tent sa Pasay City.

Noong araw ding iyon ay nagsumite naman ng kanyang kandidatura bilang re-electionist si Mayor Sara sa Davao City.

Dahil dito, marami ang nahihiwagaan sa ‘move’ ng administrasyon.

Paniwala ng lahat, may ginagawang gimik ang Duterte camp para lalong manabik ang kanilang mga supporters.

Para sa mga kritiko ng Duterte, marami naman ang naglalabas ng mapanirang impormasyon na kesyo mula’t mula talaga ay hindi magkasundo sina Inday Sara at Bong Go.

Hindi raw maaaring mag-tandem ang dalawang ito dahil ayaw ng mga anak ng Pangulo sa ‘confidante’ ng kanilang ama.

Binabaril ito ng senador dahil paulit-ulit ang mga inilabas ni Go sa media na ang kanyang tinatahak na career ngayon sa pulitika ay nakabase sa kagustuhan ng mga Duterte.

Anang mambabatas, labis ang pagmamahal at respeto niya kay Pangulong Digong, gayundin kay Mayor Sara. Kaya anuman ang maging desisyon ng nirerespeto niyang pamilya, nakahanda siyang magpaubaya.

Ngayong Biyernes (October 8) na ang last day ng filing ng candidacy, pero mayroon pa hanggang Nobyembre 15 para sa ‘substitution.’

Dalawang anggulo ang nakikita natin dito — maaaring tama tayo o mali tayo! Fearless forecast ika ‘nga!

Una, posibleng magsanib-puwersa ang pamilya Marcos at pamilya Duterte para harapin ang tinatawag namang ‘sabog’ na porma ng oposisyon.

O kaya naman, hahayaan nilang pumili ng sarili niyang ka-tandem si Inday Sara, kasabay ng pagdedeklara na maaaring magsakripisyo si Senador Go.

Sa ganang akin, ‘win-win solution’ ito para manaig ang ruling party.

Kasi kung walang magsasakripisyo ng isa sa kanila, asahang magtatagumpay ang kanilang mga kalaban para ibang partido naman ang makaupo sa Malakanyang.