
Wilbert lumusong sa baha para isalba ang unang kotse
Lumusong sa baha ang aktor-singer na si Wilbert Ross para lang maisalba ang kanyang kotse sa kasagsagan ng bagyong Carina.
Kwento ni Wilbert sa mediacon ng ikatlong book ng “University Series” na “Chasing in the Wild” written by Gwy Saludes, kasalukuyang nasa gym siya nang humahagupit ang bagyong Carina.
Aniya, nang pumunta siya sa gym ay hindi pa naman gaanong matindi ang bagyo.
“Pumunta ako ng gym. Hindi ko in-expect na grabe ‘yung ulan. Umalis ako hindi pa gaano. Nabigla na lang ako, ‘yung sasakyan ko malapit na ‘yung baha pumunta sa loob,” tsika ni Wilbert sa ilang members ng press sa mediacon.
Kaya kahit bumabaha na at malakas ang ulan ay talagang lumusong siya para dalhin ang kanyang kotse sa safe na lugar.
“So, kahit malakas ulan nagmadali ako lumabas at dinala ko sa area na medyo safe,” aniya.
‘Yun nga lang, na-stranded siya sa gym dahil lumalim na ang baha.
“I was stranded. Hindi kasi natin alam madadaanan natin baka malalim. Never ako naka-experience pa. Sa Davao never ko po naranasan,” tsika pa ng aktor na isa sa bida ng “Chasing in the Wild.”
Ayon pa kay Wilbert ay may sentimental value sa kanya ang sasakyan.
“First car ko pa naman iyon. 2022 lang binili,” sey niya.
Samantala, mapapanood na ang “Chasing in the Wild” simula sa August 16 sa streaming app na Viva One.
Kasama rin dito sina Gab Lagman, Hyacinth Callado, Heaven Peralejo, Marco Gallo, Jairus Aquino, Jerome Ponce, Krissha Viaje, Bea Binene at marami pang iba.