Default Thumbnail

Water level sa Angat, La Mesa, Binga, Magat dams tumaas

July 16, 2023 Zaida I. Delos Reyes 160 views

BAHAGYANG tumaas ang lebel ng tubig sa Angat dam dahil sa malakas na ulan noong mga nakaraang araw dulot ng southwest monsoon o habagat.

Batay sa ulat ng PAGASA kahapon, nasa 179.06 meters, tumaas ng 0.58 meter mula sa 178.48 meter, na tubig noong Sabado ang water level ng Angat dam.

Umaabot lang sa 210 meters ang normal water level sa naturang dam. Ito rin ang nagsu-supply ng 90% ng potable water sa mga residente ng Metro Manila.

Tumaas din ang water level ng La Mesa Dam, Binga Dam, San Roque Dam, Pantabangan Dam at Magat Dam.

Sa ulat ng PAGASA, nakapagtala ng 78.99 water level nitong Linggo, mas mataas sa 78.77 water level na naitala noong Sabado, ang La Mesa Dam sa Quezon City.

Nasa 568.58 meters naman ang water level sa Binga dam.

Sa Benguet, tumaas ng 0.22 meter sa naitalang water level nitong Sabado na 568.36 meter.

Umabot naman sa 237.76 meters ang water level ng San Roque Dam, mas mataas sa dating level na 236.4 meters nitong Linggo.

Sa Nueva Ecija, tumaas ng 0.76 meter ang water level ng Pantabangan dam na umabot sa 179.77 meters mula sa dating 179.01 meters.

Nasa 164.08 meters naman ang water level ng Magat Dam na nagsu-supply ng tubig sa Ifugao at Isabela.

Samantala, bumaba naman ang water level ng Ipo Dam sa Bulacan, Ambuklao Dam sa Benguet at Caliraya Dam, sa Laguna.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pagpapaulan ng Habagat sa Metro Manila, Western Visayas, La Union, Pangasinan, Benguet, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, at Mimaropa.