Allan Encarnacion

Wanted: Bagong Deped secretary

June 26, 2024 Allan L. Encarnacion 101 views

KASAMA si Senador Sonny Angara sa mga binanggit ng mga marites na kursunadang hirangin ng Palasyo bilang Education secretary kapalit ng nag-resign na si VP Sara Duterte.

Dalawa pa ang sinasabing napupusuan sa Deped—sina DTI Secretary Alfredo Pascual at Marikina Congresswoman Estela Quimbo. Hindi tayo magtataka kung dumating din mga ang bagong Marites na wala naman pala sa tatlong ito ang gusto italaga ni PBMM sa Deped.

Pero dahil tsismis pa lang naman, puwede naman sigurong bumakas tayo kung sino sa kanila ang mas posibilidad na hirangin kung hindi magbabago ang ihip ng hangin.

Si Sec. Pascual ay kuntento naman sa DTI samantalang si Congresswoman Quimbo ay mukhang iginuhit na ng tadhana sa pagtakbong alkalde sa Marikina City.

Si Senador Angara naman, magsisilbi pa siya sa Senado hanggang June 1 ng 2025 pero hindi na siya puwedeng kumandidato sa kaparehong posisyon. Ayaw na rin naman niyang bumalik sa pagkakongresista sa Aurora dahil ayon sa mga malalapit sa kanya, gusto na lang munang magsaka sa kanilang bayan.

Pero may umuugong din na baka kumandidatong gobernador ng Aurora si Sen. Angara. Hindi naman ito kumpirmado pero ang alam natin, ayaw din Sen Sonny na maging gobernador. Mas gusto pa rin ata ni Sen Sonny na magsilbi bilang chef at laundryman sa bahay nila pagkatapos niya sa Senado.

Sumisigaw ngayon ang iba’t ibang sektor na dapat galing sa academe ang mahirang na Deped secretary kaya maraming naglalapagan ng mga credentials ng mga potential appointees.

Lilinawin natin, ang alam ko, wala naman sa bokabularyo ni Angara ang maging Education secretary dahil hindi naman ambisyoso ang taong ito.

Hindi lang natin alam kung may formal offer kay Angara para maging Deped sec bagama’t katulad ng sinabi ko, mga Marites lang ang nag-uusap-usap tungkol dito habang nagkukutuhan sa kanilang hagdanan. May mga nagmarites nga rin na si Angara ang ilalagay sa DOJ.

Kung qualifications din lang ang sukatan para maging Deped secretary tulad ng panawagan ng maraming sektor, aba’y may ibubuga itong si Senador Sonny na isang lawyer and college professor by profession.

Ang bloodline nito ay mga edukador talaga dahil ang erpat niyang si yumaong dating Senate President Ed Angara ay naging UP presiden/ professor din at ang kanyang ina na si Gloria Manalang-Angara ay isa ring guro.

Hindi naman sa pagmamayabang, si Sen. Sonny ay nagtapos ng kanyang abogasiya sa UP, nagtapos ng Bachelor of Science degree on International Relations sa UK at Masters of Laws sa Harvard Law School sa Cambridge, Massachusetts.

Naging propesor din si Sen Sonny sa New Era University College of Law at Centro Escolar School of Law and Jurisprudence. Kaya nga sinasabing kung latagan ng kuwalipikasyon, puwede talagang maging Deped secretary si Sen Sonny.

Ang problema nga lang ng ating mga Marites, baka nga talagang gustong magpahinga na muna si Sen Sonny para mag-surfing na lang sa Baler at ibandera ang kanyang six packs abs! Aba’y wala na tayong magagawa doon.

Kung sakali man na alukin at tanggapin ni Sen. Sonny ang posisyon, malaking impact nito sa PBMM administration dahil unang-una, malinis ang pangalan at hindi nasangkot sa kahit anong katiwalian, disenteng tao, walang kaaway sa pulitika at kilalang madiplomasiya.

Ang downside lang, sobrang laki ng problema ng sektor ng edukasyon kaya kung sino man ang magiging Deped secretary, mangangailangan ito ng buong suporta ng gobyerno at ng mga mamamayan.

[email protected]