Default Thumbnail

Wala nang padrino system sa PNP

May 31, 2021 Marlon Purification 576 views

Marlon PurificationHINDI nag-aaksaya ng panahon si PNP chief, Police General Guillermo Eleazar upang linisin ang hanay ng kapulisan at matuldukan ang mga bulok na sistemang umiiral sa organisasyon.

Sinimulan ni Guillor ang pagsasaayos sa recruitment process sa paglulunsad nito ng ‘nameless and faceless recruitment’ upang maiwasan ang padrino system sa pagtanggap ng mga miyembro ng PNP.

Nitong Mayo 27, pinangunahan ng heneral ang launching ng Comprehensive Online Recruitment Encrypting System (CORES) sa PNP Multi-Purpose Center sa Camp Crame, Quezon City.

Suportado rin ng senior police officials at mga miyembro ng academe ang programa.

Sa ilalim ng recruitment scheme, gagamitin ang QR Code System upang matiyak na maitatago ang pagkakakilanlan ng aplikante.

Tanging mga kwalipikasyon ng aplikante ang isasalang sa evaluation upang matukoy kung makapapasa sa proseso.

“Gusto na po nating tuldukan ang bulok na sistema ng iilang aplikante na kumakapit sa matataas na opisyal ng PNP para lamang makapasok sa organisasyon. Sa ganitong sistema, may korapsyon na kaagad eh. Iyan ang hindi natin hahayaang makapasok sa ating hanay,” giit ni Eleazar.

“We will only accept those police applicants who are most qualified and most deserving. Only the best for the PNP. Walang mukha o pangalang lalabas habang ongoing ang application process at tanging ang credentials niya lamang ang pagbabasehan kung siya ba ay tanggap sa PNP,” paliwanag pa ng heneral.

Sa launching ng programa, ipinagmalaki ni Eleazar si Patrolwoman Razy Joy Alejandrino na nakapasok sa police force kahit walang koneksyon o padrino.

Sinabi ni Guillor na nagsikap si Alejandrino na pumasok pa bilang dishwasher at janitress para makaipon nang panggastos sa kanyang aplikasyon.

“Isang halimbawa itong si Patrolwoman Alejandrino na kahit wala kang backer, maaari kang makapasok sa PNP basta’t ikaw ay masipag, matiyaga, at qualified sa aming hanay,” diin ni Eleazar.

Tiniyak ni Eleazar na gagamitin ang QR Code System sa buong proseso ng aplikasyon, maging sa Body Mass Index and agility test, drug at neuropsychiatric test, at physical, medical at maging sa dental examinations.

Una nang inaprubahan ng National Police Commission ang recruitment sa may 17,314 na bagong mga pulis para ngayong taon.

Kung magpapatuloy ang ganitong sistema, makatitiyak tayo na tanging mga kwalipikado at matitinong pulis ang makapapasok sa PNP at tiyak na mawawala na ang iilang bulok na miyembro ng kapulisan.

Hangad natin ang tagumpay ng mga programa ni Gen. Eleazar para na rin sa peace and order ng buong bansa sa kabuuan.