
VP SARA RATING BAGSAK

ANG pagbaba ng trust at approval rating ni Vice President Sara Duterte, na nakapagtala ng pinakamalaking pagbaba sa survey ng Pulse Asia noong Setyembre ay dahil sa pag-iwas umano nito an sagutin kung papaano niya ginastos ang pondo ng kanyang tanggapan.
At naniniwala si Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. na patuloy na bababa ang rating ni VP Duterte kung mananatili itong umiiwas kung papaano nito ginastos ang pera ng taumbayan.
Mula sa 83% noong Marso 2023, ang trust rating ni VP Duterte ay bumaba ng 22 puntos sa 61% sa survey noong Setyembre 2024 ng Pulse Asia.
Sinabi ni Gonzales na pinapahalagahan ng publiko ang pagkakaroon ng pananagutan ng mga opisyal ng bayan at hindi ito dapat isantabi ni VP Duterte kasama na ang pagiging responsable sa paggastos ng pondong ipinagkatiwala sa kanyang opisina.
“Hindi natin ikinakagulat ang patuloy na pagbaba ng ratings ni VP Duterte, lalo na’t hindi siya nagbibigay ng sapat na paliwanag ukol sa paggamit ng pondo ng OVP at DepEd. Pera ng bayan ang pinag-uusapan dito, kaya’t obligasyon niyang ipaliwanag ang mga kinukuwestiyong hindi tamang paggugol ng pondo,” ayon Gonzales.
Ayon sa Pulse Asia survey noong Setyembre 2024, si VP Duterte ay nakapagtala ng 60% approval rating o bumaba ng 9% kumpara sa survey noong Hunyo 2024. Bumagsak naman ng 10% ang trust rating ni VP Duterte na mula 71% noong Hunyo 2024 ay naging 61% na lamang.
“People expect public officials to be transparent in the use of government funds. Kaya hindi nakapagtataka na bumabagsak ang kanyang ratings dahil sa kanyang patuloy na pag-iwas sa mga tanong tungkol sa pondong ito,” dagdag pa ni Gonzales.
“At sa pakiwari ko, bababa pa ito. Galit ang tao sa hindi tamang paggasta ng pampublikong pondo, lalong-lalo na’t hindi siya humaharap sa pagdinig ng Kongreso para ipaliwanag ang mga nakitang irregularidad,” wika pa ng solon.
Matatandaan na kinuwestyon ng Commission on Audit (COA) ang naging paggamit ng tanggapan ni Duterte sa P125 milyong confidential fund nito noong 2022. Dahil hindi pa rin naipapaliwanag ng OVP ang paggastos ay naglabas na ito ng Notice of Disallowance.
Sa unang tatlong quarter ng 2023, pinuna rin ng COA ang paggastos ng P164 milyon sa P375 milyong confidential fund ng tanggapan ni Duterte batay sa inilabas na audit observation memorandum (AOM).
“Hindi lamang isang beses ang nakita nating paglabag, kundi tila paulit-ulit na pattern ng posibleng pang-aabuso sa paggamit ng confidential funds. Ang P73 million na hindi pinahintulutan noong 2022 ay naulit ulit sa 2023,” sabi ni Gonzales, na tumutukoy sa patuloy na maling paggamit ng mga pondo ng gobyerno.
Kinondena rin ng mambabatas ang naging paggamit ni Duterte ng badyet ng Department of Education (DepEd) noong ito pa ang kalihim ng ahensya partikular ang pagpapatupad ng school-based feeding programs at sa pagbili ng mga computer.
Ayon sa ulat ng COA, inaamag na at mayroong insekto ang mga nutribun at panis na ang gatas na dinala sa mga pampublikong paaralan sa maraming rehiyon. Hindi rin umano na-deliver sa mga paaralan sa oras ang mga biniling computer laptop at iba pang gamit sa mga eskuwelahan.
“Ang mga kabataan at estudyante ang direktang naapektuhan ng mga aberya sa DepEd, lalo na’t mga maselang proyekto tulad ng feeding program at school supplies ang pinag-uusapan dito.
Hindi maaaring balewalain ang mga isyung ito dahil may mga buhay at kinabukasan ang nakataya,” dagdag pa ni Gonzales.
Binigyan diin niya na ang isyu ay hindi lamang tungkol sa maling paggamit ng pondo kundi pati na rin sa pangkalahatang pagtanggi ni Duterte na tanggapin ang pananagutan sa kanyang mga naging aksyon. Sa kanyang pananaw, ang ganitong ugali ay patuloy na nakakasira sa kanyang imahe sa publiko.
“Kailangan nating ipakita na walang sinuman ang nakatataas sa batas. Kailangang humarap siya at sagutin ang mga tanong ng publiko, lalo na’t ito ay may kinalaman sa pondo ng bayan,” dagdag pa ng mambabatas.