Ortega House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V

VP SARA DI NA NAKAKAGULAT

April 20, 2025 People's Tonight 251 views

Sa pag-endorso ng Senate bets, paghanap ng kakampi

HINDI na ikinagulat ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang pag-endorso ng na-impeach na si Vice President Sara Duterte ng mga kandidato sa pagka-senador, na kung mananalo ay siyang boboto sa kanyang impeachment trial.

“Hindi na nakakagulat na nagbago ang posisyon ng ating Bise Presidente pagdating sa pag-endorso ng mga kandidato sa Senado,” sabi ni Ortega.

“Alam naman natin na malapit na ang impeachment trial, kaya natural lang na naghahanap siya ng mga kakampi,” dagdag niya pa.

Kasunod ito ng pag-endorso ni Duterte sa dalawang kandidatong tumatakbo sa pagka-senador.

Ayon kay Ortega, ang pagbabagong ito sa estratehiya ay sumasalamin sa pagiging praktikal sa politika ng Bise Presidente.

“From the very beginning, sinabi niya na hindi siya mag-eendorso ng kahit sinong tumatakbo sa Senado. Pero ngayon, obviously, nagbago na,” saad pa ni Ortega.

Dagdag pa ng kinatawan ng La Union sa Kamara, ang ganitong pagbabago ay mistulang pinagplanuhan, lalo na’t nalalapit na ang impeachment trial sa Senado kung saan nakasalalay ang karera sa politika ng Bise Presidente.

“It’s clear that endorsements at this point are no longer just about principles or platforms. They’re about alliances, about survival,” ani Ortega.

Paalala ni Ortega sa mga opisyal na manatiling tapat sa kanilang mga salita at gawa para isulong ang interes ng taumbayan.

“We understand the context, but consistency also matters, especially when the public is watching,” saad pa ni Ortega.

Hinikayat din ni Ortega ang Senado na isagawa ang paglilitis ng impeachment nang patas at walang impluwensya mula sa mga pampulitikang alyansa o mga pahayag.

“Let’s give justice a chance to be served without unnecessary noise or maneuvering,” sabi ni Ortega.

“Nasa mga senador ang bola. Our role in the House is done. Now it’s time for the Senate to deliberate with fairness, dignity and independence,” wika ni Ortega.

AUTHOR PROFILE