
VP SARA DEDMA SA CONFI FUND, LALO SIYANG MABABAON
BINANATAN ni House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jefferson “Jay” Khonghun nitong Lunes si Vice President Sara Duterte dahil sa pananahimik nito sa kontrobersya kaugnay ng paggamit niya ng confidential fund, sabay sabing lalo lang siyang mababaon sa isyu habang papalapit ang impeachment trial.
“Nakita na natin simula’t sapul, kapag tinatanong si VP Duterte tungkol sa paggamit niya ng confidential funds, nagpapaikot, umiiwas at iniiba ang usapan o tahimik lang. Hanggang ngayon, ganyan pa rin ang ginagawa niya,” ani Khonghun, chairman ng House special committee on bases conversion.
“Mukhang pinili niyang hindi magsalita kasi alam niya na mahihirapan siyang magpaliwanag. Ang problema, habang nananahimik siya, lalo siyang nababaon sa isyu,” dagdag pa ng solon.
Ayon kay Khonghun, ang patuloy na pag-iwas ni Duterte na magbigay ng malinaw na accounting ay hindi makakatulong sa kanya kapag nagsimula na ang impeachment trial sa Senado.
“Hindi siya makakatakas sa tanong ng taumbayan. Sa Senado, kailangan niyang sumagot. Hindi puwedeng puro drama o pa-victim,” wika pa niya.
Binigyang-diin ni Khonghun na karapatan ng publiko ang makatanggap ng mga malinaw na sagot, hindi ng scripted na kwento o emosyonal na drama.
“Hindi puwedeng puro iyak o galit. Ang kailangan dito malinaw na paliwanag. Pondo ito ng taumbayan,” aniya.
Matatandaang inulan ng batikos si Duterte matapos mabunyag na gumastos siya ng P125 milyon mula sa P612.5 milyon na confidential fund sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022, batay sa Articles of Impeachment na inihain laban sa kanya.
Kahit ilang ulit nang nanawagan ang mga mambabatas at publiko na magpaliwanag siya, sinabi ni Khonghun na madalas ay dinededma o iniiwasan ni Duterte ang isyu, dahilan para lalo itong magdulot ng hinala.
“Kung may maayos siyang paliwanag, sana noon pa niya ginawa. Pero ang paulit-ulit na pag-iwas, nakakadagdag lang sa bigat ng paratang sa kaniya,” ayon pa kay Khonghun.
Dagdag niya, ang pananahimik ni Duterte ay hindi tanda ng lakas, kundi kabiguan na gampanan ang pananagutan niya sa taumbayan.
“It’s not strength to stay silent when you owe the public an explanation. It is weakness. Real leadership means facing the people, telling them the truth and standing by your actions,” pahayag ni Khonghun.
Sa isang kamakailang panayam, muli na namang tumanggi si Duterte na pag-usapan ang isyu ng confidential fund, at sinabing pinupuntirya lamang siya ng mga kalaban sa politika para sa pansariling interes.
“Nagsasalita siya tungkol sa kung anu-anong conspiracy pero hindi siya nagsasalita kung paano ginamit ang milyun-milyong pondo. ‘Yan ang problema,” sabi ni Khonghun.
Hinimok din niya si Duterte na igalang ang mga institusyong sinasabi nitong sinusuportahan sa pamamagitan ng buong pusong pakikipagtulungan sa impeachment process.
“Kung talagang mahal niya ang bayan, dapat harapin niya ang proseso. Hindi ‘yung puro drama at pag-iwas. Kasi sa totoo lang, lalo siyang maiipit kung itutuloy niya ang pananahimik,” pahayag ni Khonghun.