Default Thumbnail

VM Honey pangangalagaan ang kalusugan ng Manileño

March 16, 2022 Vic Reyes 378 views

Vic ReyesNATUTUWA ang mga tagasunod ni Manila Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan.

Si VM Honey kasi ang inaasahang mananalong alkalde sa Maynila, ayon sa resulta ng isang survey na isinagawa ng RP Mission and Development Foundation, Inc. (RPMD).

Ang survey ay may tanong na: “Kung ang halalan ay gaganapin ngayon, sino ang iboboto mong Mayor/Congressman?” At siyempre nanguna nga si VM Honey.

Isang medical doctor, si Lacuna-Pangan ay tumatakbong alkalde sa Manila, ang pangunahing syudad sa Pilipinas na kung saan matatagpuan and Malakanyang.

Dahil isang doktor, malaki ang maitutulong ni Honey sa mga taga-Maynila kung siya ang mauupong alkalde pagkatapos ng eleksyon sa darating na Mayo 9.

Sa katunayan, malaki ang ginampanang papel ni VM Honey sa pagtugon ng pamunuan ni Mayor Isko Moreno sa mga kaso ng Covid 19 sa siyudad.

Kahit nga hindi mga taga-Maynila ay natulungan nina Mayor Isko at VM Honey noong kasagsagan ng COVID-19.

Isa pa, huwag natin kalimutan na maraming Manileño ang kinakapitan ng iba’t-ibang sakit na kagaya ng ubo, sipon, TB, diabetes, dengue, leptospirosis at cancer.

Kapag nanalo, alam na ni Lacuna-Pangan ang gagawin para mapangalagaan ang kalusugan ng mga Manileño.

Kaya siguradong nasa mabuting kamay ang mga taga-Maynila.

*******************

Kamakailan ay sari-saring “counterfeit goods,” na kinabibilangan ng mga relo at alahas ang nakumpiska ng mga taga-Bureau of Customs (BOC) sa isang bodega sa Valenzuela City.

Nagkakahalaga ng mahigit P500 milyon, ang mga pekeng produkto ay kinumpiska ng mga operatiba ng Customs Intelligence and Investigation Service-Port of Manila (CIIS-POM).

Ang iba pang kontrabando ay kinabibilangan ng bulto-bultong “ukay-ukay” (used clothing), power banks, masks at apparel na may tatak na Gucci, Chanel, Fendi at Louis Vuitton.

Meron pang nakitang pipe fittings, carpet rolls, refrigerators at caustic soda flakes.

Nadiskubre ng mga operatiba ng CIIS-POM ang mga pekeng produkto nang inkspeksyunin nila ang nasabing warehouse na matatagpuan sa Barangay Canumay, Valenzuela City.

Ang inspeksyon ay isinagawa ng CIIS-POM in coordination sa Intellectual Property Rights Division (IPRD), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Coast Guard (PCG).

Ang maganda, kahit na papaalis na ang administrasyon ni Pangulong Duterte sa tanghaling tapat ng Hunyo 30 ay tuloy-tuloy pa rin ang kampanya laban sa ismagling.

Alam naman natin na malaking perhuwisyo sa bayan ang ismagling.

Kaya naman mahirap patigilin ay dahil sa dami ng mga nakikinabang sa iligal na gawaing ito.

Isa pa, maraming isla sa bansa ang puwedeng pagbabaan ng mga kontrabando.

Mahaba ang coastlines natin at hindi kayang bantayan ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard at Philippine National Police dahil kulang sila sa tauhan at mga makabagong sasakyang pandagat.

****************

Patuloy pang humuhupa ang COVID-19 pandemic sa bansa, kasama ang Metro Manila na minsan ding naging sentro ng health crisis.

Pero ang masakit ngayon, nandiyan naman ang walang katapusang pagtaas ng presyo ng mga bilihin bunga ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine sa Europa.

Dahil sa gulo sa Ukraine ay biglang taas ang presyo ng langis at iba pang produktong petrolyo.

Umaaray na ang taumbayan, lalo na ang mga walang trabaho at mahihirap, sa bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

At kung hindi pa matatapos ang giyera ng Russia at Ukraine, baka marami na sa ating mga kababayan ang hindi na makakain ng kahit dalawang beses man lang sa isang araw dahil hindi makabili ng pagkain.

Mahirap pa nyan ay kung magkasakit pa sila dahil sa paghina ng kanilang mga resistansiya.

Kasama ng iba nating kababayan, nananalangin tayo na sana matigil na ang giyera sa Europa na baka humantong pa sa pagsiklab ng pangatlong pandaigdigang giyera.

Sana naman magkaroon na ng “win-win solution” sa alitan ng Russia at Ukraine.

(Para da inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buingnpangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE