Vice

Vice unang nakaalam ng proposal ni Ryan

June 30, 2024 Vinia Vivar 60 views

Ang lakas ng hagulgol ni Vice Ganda sa It’s Showtime kahapon habang magkayakap sila ni Ryan Bang.

Ito ay matapos ngang ma-engage si Ryan sa kanyang non-showbiz girlfriend na si Paola Huyong last Friday night.

Needless to say, masayang-masaya ang mga co-host ni Ryan para sa kanya lalo pa nga’t nasaksihan nilang lahat ang pagsisimula nito sa showbiz hanggang sa magkaroon na nga ng girlfriend.

Sa simula ay pinipigilan pa ni Vice ang umiyak.

“Ayokong umiyak. Umiyak na ako kahapon,” aniya.

“Kahapon pa lang, bago siya nagpunta do’n, super-hagulgulan na kaming dalawa. Wala lang, I’m just so proud…,” sabi ni Vice at hindi na natuloy ang sasabihin dahil naging emosyonal na siya.

Lumapit naman si Ryan sa kanya at niyakap siya. Dito na tuluyang bumuhos ang luha ni Vice. Ang lakas ng kanyang hagulgol habang mahigpit silang magkayakap.

Sa mga hindi nakakaalam, si Vice ang itinuturing na nanay-nanayan ni Ryan at ito rin ang isa sa mentors niya sa showbiz.

Sabi ni Ryan, “Nu’ng nag-yes si Paola sa akin, tinawagan ko agad si Mommy (Vice), nag-Facetime kami, iyakan kami.”

Kwento naman ni Vice, sobrang na-touch siya nang sa kanya unang-unang ipaalam ni Ryan na magpo-propose na ito sa girlfriend.

“Sabi niya, ‘wala akong ibang pinagsabihan, kahit nanay at tatay ko, sa ‘yo ako nagpaalam,’” emosyonal na sabi ni Meme Vice.

“Gusto ko ikaw ang unang nakakaalam,” sey naman ni Ryan.

“Ano kaya kung hindi kita pinayagan, ano nangyari kaya sa’yo kagabi?” sabi naman ni Vice at nagkatawanan.

Pero alam naman daw niya na magye-yes si Paola sa proposal ni Ryan.

“Wala akong kakaba-kaba, alam ko namang magye-yes si Paola. Walang tatanggi kay Ryan dahil hindi ka katanggi-tanggi. Wala akong nakikitang katanggi-tanggi sa’yo. Napakaganda mong tao.

Masuwerte kayong dalawa ni Paola sa isa’t isa,” aniya.

Nagpasalamat naman si Ryan kay Vice na pinayagan siya nitong mag-propose sa GF.

Tungkol naman sa kanyang proposal, ikinuwento ni Ryan na nagpunta siya sa magulang ni Paola para hingin ang kamay nito.

“Gusto ko (magpa)salamat sa magulang niya, pumunta ako sa bahay nila. Nag-yes po sila sa akin,” kwento ni Ryan.

Mensahe niya sa fiancee, “Gusto ko rin (magpa)salamat kay Paola, nag-yes po siya sa akin. I will make you most happiest girl in the world.”

Nang tanungin kung sa Pilipinas ba o sa South Korea ang kasal, sabi ni Ryan, “Siyempre, dito sa Pilipinas.”

AUTHOR PROFILE