
Vice gov.ng Batangas nag-alok ng P100k reward sa nawawalang beauty queen
AABOT sa P100,000 reward ang inialok ni Batangas Vice Governor Mark Leviste para sa sinomang makakapagbigay ng impormasyon patungkol sa kinaroroonan ng nawawalang beauty queen na si Miss Grand Philippines 2023 candidate Catherine Camilon.
Umaasa si Leviste na makakatulong ang P100,000 reward na inalok niya para agad na mahanap si Camilon, 26-anyos na naiulat na nawawala simula pa noong October 12.
Ayon kay Leviste , personal na binisita niya ang pamilya ni Camilon sa kanilang tahanan sa Tuy, Batangas at binigyan ang mga ito ng pinansyal na suporta.
Tinawagan narin aniya niya ang himpilan ng Tuy Police para hingan ang mga ito ng progreso ng imbestigasyon sa paghahanap kay Camilon.
Sa ngayon, patuloy ang Tuy Police sa kanilang search operations upang mahanap ang beauty queen.
Magugunita na si Camilon ay lulan ng kulay metallic na abo na Nissan Juke SUV (NEI 2290) at may kakatagpuin sa Bauan, Batangas nang mabigo itong makabalik sa kanilang tahanan.
Kaugnay nito, inihayag naman ni Batangas Police Director P/Col. Samson Belmonte na inatasan na niya ang lahat ng units at himpilan ng pulisya sa buong lalawigan na paigtingin pa ang pangangalap ng impormasyon upang mahanap si Camilon.
Nanawagan rin ang opisyal sa netizens na agad kontakin at magreport sa pulisya kung may nalalaman ang mga itong mga impormasyon na makakatulong sa paghahanap sa beauty queen.