Umali

Vice gov ginamit sa food delivery scam

February 10, 2024 Steve A. Gosuico 462 views

CABANATUAN CITY–Nagbabala si Nueva Ecija Vice Governor Emmanuel Antonio Umali sa mga restaurants na tumatanggap ng order para sa delivery na mag-ingat sa mga umoorder gamit ang mga pangalan ng iba katulad niya.

Ayon sa pulitiko, ginamit daw ang pangalan niya ng mga scammer sa panloloko sa mga outlet ng pagkain sa pamamagitan ng mga pekeng order o reservation para sa mga okasyon.

Kabilang sa mga nabiktima ang Shawrapped Shawarma House na nadaya ng P4,000; Pakners Lechon Baboy na inorderan ng dalawang lechon baboy na nagkakahalaga ng P24,000; at isa pang food chain na tumanggap ng order na nagkakahalaga ng P3,150.

Ayon sa isang nalokong food outlet, tinanggap nila ang order matapos na may tumawag at nagsabing staff siya ng vice governor.

“Natutuwa akong malaman na ganuon kalaki ang tiwala sa akin ng mga may-ari ng mga food business na ito, dahil kahit walang bayad agad nilang ginagayak ang pagkain subalit ang malungkot dito hindi naman talaga ako umorder ng mga ito,” sabi ni Umali.

Nangyari na noong 2016 ang modus habang bise alkalde pa ng Cabanatuan City si Umali.

Iginiit niya na binayaran pa din niya ang ibang bogus order dahil sa awa sa mga biktima.

Hiniling niya sa mga food outlet na magkaroon ng standard operating procedure (SOP) na oobliga sa mga oorder na magbayad ng cash bago ihanda ang kanilang mga order.

“Dahil kung ako lang, tiyak na babayaran ko muna ang aking inorder,” sabi ni Umali. Nagpahayag din si Umali ng paniniwala na may kinalaman ito sa pulitika.

AUTHOR PROFILE