
Vice, ’di kunsintidor na manager kay Awra
Hindi kakampihan ni Vice Ganda si Awra Briguela kung talagang may kasalanan ito sa mga kasong kinakaharap.
Si Vice ang manager ni Awra at hanggang ngayon ay wala pa rin siyang statement hinggil sa gulong kinasangkutan ng kanyang alaga noong nakaraang linggo.
Matatandaang inaresto si Awra ng Makati PNP noong June 29 matapos makipagrambukan sa isang bar sa Poblacion, Makati.
Nakalaya siya noong Sabado at nahaharap sa mga kasong slight physical injury at simple disobedience to a person in authority.
Sa vlog ni Ogie Diaz ay napag-usapan ang kontrobersyal na nangyari kay Awra at dito nga nabanggit si Vice.
“Alam ko talaga, mina-manage siya (Awra) ni Vice, pero kung kilala ko si Vice, hindi niya ito-tolerate ito lalo na kung may kasalanan si Awra. Hindi niya puprotektahan,” sabi ni Ogie.
Pero kung si Awra naman daw ang tama ay ipagtatanggol siyempre siya ni Vice.
“Kung nasa katwiran si Awra, I’m sure, papanigan naman siya ni Vice,” aniya.
Naikumpara nga niya sina Vice at Awra pagdating sa gimikan.
“Si Vice Ganda, ‘yung grupo ni Vice, ‘pag andu’n sa isang bar, ilang beses na ‘kong nakakatiyempo niyan, tahimik lang sa isang sulok. Wala ‘yung mga pagyayabang,” aniya.
Samantala, itong si Awra, ayon sa mga witness, medyo yumayabang lalo ‘pag nakainom na.
“Meron tayo ring nakakarating na impormasyon sa atin na ‘pag gumigimik daw itong si Awra, eh, medyo, lalo na ‘pag nakakainom, medyo tumataas ang tapang at medyo yumayabang.
“Hindi naman natin dyina-judge si Awra, ‘no? Ito lang ‘yung mga nakakarating sa atin,” aniya.
Maglalabas ba ng statement si Vice?
Abangan na lang daw dahil abalang-abala rin ang TV host sa It’s Showtime.