Default Thumbnail

Usapin ng populasyon vs ekonomiya

January 20, 2023 Allan L. Encarnacion 475 views

Allan EncarnacionPROBLEMADO ngayon ang China.

Wala itong kinalaman sa territorial dispute or sa anumang geo-political crisis na dinaranas ngayon dahil sa isyu ng “kampihan pressure” ng iba’t ibang bansa.

Malaking banta sa Tsina ang pagliit at pagtanda ng kanilang populasyon. Sa kasalukuyan, ang bansa ni President Xi Jinping ang pinakamakaling populasyon sa bilang na 1.411 billion, kasunod nila ang India.

Pero sa pinakahuling statistics, na-overtake na pala ng India ang China sa numerong 1.417 bilion.

Ito na nga ngayon ang ikinaalarma ng China. Sa taong 2022, 9.56 million ang isinilang na bagong sanggol sa China pero ang bad news, 10.41 ang namatay. Epekto na rin ito ng pagsabog ng covid.

Ang prediksiyon, sa 2035, ang halos 400 million population ng China ay nasa edad 60 pataas na, ibig sabihin nito, hihina ang kanilang work force. Yan din ang problema ng Japan at South Korea na parehong tumataas ang bilang ng mga matatanda kaysa sa mga bata.

Kumpara dito sa atin, maliit lamang ang aging population natin, approximately 5.4% lang or mga 6 to 7 million lang ang mga nasa 60 years old and above. Malaki ang ating potensiyal bilang younger population kung ihahambing sa ating mga kapitbahay.

Kaya nga sa China, nabali na ang One Child policy nila na ipinatupad noon pang mga dekada 70 sa ilalim ng liderato ni Chairman Mao.

Pinayagan na ng Chinese government ang dalawa hanggang tatlong anak at hinihikayat pa ang kanilang mga mamamayan na mag-anak para bigyan sila ng tax incentives at iba pang biyaya mula sa pamahalaan.

Isa sa mga naging susi sa kaunlaran ng China mula sa pagiging kahanay ng mga poorest country noong dekada 50 hanggang 70 ay kanilang populasyon. Iyong mga lider kasunod na Chairman Mao mula kina Deng Xiaoping ang nagpasimula.

May sumunod kay Chairman Mao na si Hua Goefeng pero saglit lang at hindi markado. Si Deng Xiaoping talaga ang ang nagpasimula ng paggamit sa populasyon bilang “human capital to progress and development.”

Iyong mga sumunod na lider ng China na sina Jiang Zemin at Hu Jintao ang nagbukas ng pintuan sa Chinese government para pumasok sa World Trade Organization hanggang sa transistion kay President Xi Jinping patungo sa pagiging opisyal nang pabrika ng buong mundo ang Tsina.

Bago pa ang economic evolution, maraming taga-Communist China ang tumatakas para magtungo dito sa atin at sa ibang bansa dahil sa tindi ng kanilang kahirapan. Pero makalipas lang ang ilang dekada, kasama na sa mga world ecomic power ang Tsina.

Ang totoo, kung gagamitin talaga ang lakas ng populasyon, mas magiging mabilis ang pag-unlad ng isang bansa. Katulad din yan ng isang pamilya na may isang anak at may limang anak.

Noong magsimula akong magpamilya, pangarap ko sana talaga magkaroon ng pitong anak. Pero lahat yan ay dumepende sa kakayahan sa buhay. Hindi mo naman alam ang magiging estado ng iyong buhay kaya kailangan mo rin magkontrol. Ang ending, naging dalawa lang ang populasyon ng aming bahay na parehong lalaki.

Pagkatapos ng dalawang dekada, doon na pumasok ang aking pagsisisi, bakit nga ba dalawa lang ang naging anak ko gayong puwede naman palang maging pito! Huli mo na nalaman na batay sa iyong kapasidad ay kaya naman palang bumuhay ng pitong sikmura.

Nainggit tuloy ako sa kapitbahay naming 13 ang anak—ang trabaho ng babae labandera, iyong lalaki, kristo sa sabong. Hindi ko na nasubaybayan ang buhay nila dahil lumipat na kami ng bahay pagkatapos ng 12 years sa dating lugar.

Sa tagisan ng mga opurtunidad, lamang talaga ang maraming anak kung makakapag-aral ang lahat ng bata at kalaunan ay magkakaroon ng magandang trabaho o matutong magnegosyo. Totoo rin na limitado ang opurtunidad kung isa o dalawa lang ang iyong anak pero may kasamang ginhawa sa pagpapalaki kung hindi man magiging tagumpay ang karera ng mag-asawa.

Ganoon din ang mangyayari sa China, kung patuloy na liliit at tatanda ang kanilang populasyon, magkakaroon ng malaking problema ang opurtunidad ng kanilang ekonomiya.

Kaya sa mga gustong magparami ng anak, huwag na kayong magdalawang isip habang nasa fertility stage pa kayo. Pero dapat ding balansehin nyo batay sa kapasidad nyong magpalaki at magpaaral kalaunan dahil kahit marami nga kayong anak pero hindi nyo naman kayang pag-aralin, magiging tambay lang yan at magiging sakit ng ulo ng lipunan.

Pero iba rin sana ang mas marami kung kaya din lang buhayin nang maayos!