Friends

‘Urban Myths’ at ‘More Than Friends’, tampok sa Viva One

June 7, 2023 Ian F. Fariñas 432 views

Talagang hindi maipagkakaila ang kasikatan ng Hallyu, mas kilala bilang Korean Wave, sa Pilipinas.

Sa loob lamang ng ilang dekada, mas nagiging halata ang impluwensya ng K-dramas at K-pop music sa bawat lumilipas na taon at tila walang bahid ng paghinto.

Kaya ngayong 2023, ang kasalukuyang trending na streaming channel ay magbibigay suporta sa pagsakay ng naturang wave sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga bagong Korean content.

Naituring na latest na mga palabas mula sa South Korea, handog ng Viva One ang now streaming na Urban Myths at More Than Friends.

Gaya na lamang ng sinasabi ng title, ang Urban Myths o Seoulgoedam (literal na nangangahulugang Seoul Ghost Stories), ay isang horror anthology film kung saan binibida ang Korean folklore na pinagpasa-pasahan sa bawat henerasyon.

Pinagsama-sama ang sampung kilala at katakut-takot na mga kuwento ng direktor na si Hong Won-ki kung saan tampok ang sina Kim Do-yoon, Lee Yul-eum, Lee Young-jin at Lee Su-min.

Kasama rin dito ang ilang K-pop music artists gaya nina Arin ng Oh My Girl, Monsta X member na si Shownu, Exy at Yeola ng girl group na WJSN, Minhyuk ng BtoB at dating member ng Lovelyz na si Seo Ji-soo.

Kapansin-pansin sa kasamang talents ng supernatural thriller na mas may ugnayan ang direktor na si Hong Won-ki sa mga K-pop artist.

Mula 2002, siya at ang videographer na si Kim Jun-hong ang nagtatag ng ZANYBROS, isang music video company na gumagawa ng big budget productions sa industriya.

Bukod sa Urban Myths, siya rin ang direktor ng series na Goedam noong 2020 na isa ring horror anthology.

Sa mas magaang panig, ang More Than Friends o Kyungwooui Soo (literal na nangangahulugang Number of Cases) ay isa namang romantic drama series tungkol sa dalawang matagal nang magkaibigan na kinukontra ng timing at ‘di pagkaunawa sa kanilang pag-amin ng tunay na nadarama para sa isa’t isa.

Si director Choi Sung-bum, na hindi baguhan sa naturang genre nito, ang namuno sa K-drama at pinagbibidahan nina Ong Seong-wu at Shin Ye-eun.

Tampok din sa series sina Kim Dong-jun mula sa boy band na ZE:A, youngest member ng Block B na si Pyo Ji-hoon at sina Baek Soo-min, Ahn Eun-jin at Choi Chan-ho.

Marami-rami na rin ang mga naging TV drama, pelikula at variety show ng direktor at main cast ng More Than Friends.

Mas kilala si Choi Sung-bum bilang direktor ng supernatural-themed series na Orange Marmalade at ang live-action adaptation ng webtoon na My ID is Gangnam Beauty.

Utang na loob naman ng leading lady na si Shin Ye-eun ang kasikatan sa paglabas sa iba’t ibang television at web series gaya ng A-Teen, The Glory at Revenge of Others.

Nakuha naman ng main actor na si Ong Seong-wu ang kasikatan sa hits tulad ng At Eighteen at Seoul Vibe pero mas naging tanyag sa kanyang participation sa second season ng survival reality show na Produce 101.

Humanda sa pagsaboy ng sari-saring wave ng K-content. Pasukin ang supernatural world ng now streaming film na Urban Myths at ihayag ang tunay na nadarama sa new episodes ng More Than Friends every Tuesday sa Viva One.

AUTHOR PROFILE