
Untouchables?
MARAMING problema ang ating bayan na kasalukuyang tinutugunan ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ilan sa mga ito ay may kinalaman sa trabaho, pabahay, presyo ng mga bilihin, kalusugan ng mga mamamayan at kaligtasan nating lahat.
Siyempre, hindi mawawala sa listahan ang krimen na kinabibilangan naman ng mga holdapan, prostitusyon, illegal drugs at marami pang iba.
Ngayong araw, gusto kong bigyan pansin ang suliranin sa illegal gambling, bagay na matalinghaga para akin dahil sa kabila ng kampanya ng gobyerno laban dito, patuloy itong nabubuhay sa iba’t-ibang lugar ng Pilipinas.
Alam naman natin na ang iligal na pasugalan ang isa sa mga dahilan kung bakit marami sa mga Pilipino ang nababaon sa kahirapan. Ito rin ang sinisisi sa pagkawala ng malaking kita napupunta sana sa kaban ng gobyerno.
Tingnan na lang natin itong kaso ng illegal gambling sa Batangas na itinimbre sa atin ng isang mapagkakatiwalaang impormante. Magkasosyo raw ang mga nagngangalang ‘Tisoy’ at ‘Nonit’ sa operasyon ng iligal na pasugalan sa Padre, Garcia.
Ayon sa report, dating mga kristo ng sabungan ang dalawa at nabigyan sila ng pagkakataon na hawakan ang gambling operation sa naturang bayan.
Una raw silang nagtayo ng 24/7 saklaan na may iba’t ibang palarong sugal tulad ng mga color games (beto2, hi and lo, kalaskas, cara y cruz at iba pa) kaya mistulang mini casino ang kanilang saklaan.
Ngayon, tatlo na raw ang sakla mini casino ng dalawa. Nakakalat ito sa iba’t ibang lugar ng Padre Garcia. Bukod dito, may hawak na rin silang STL con jueteng at paihi operation sa 18 barangay ng naturang munisipalidad.
Mula sa pagiging kristo sa sabungan, malayo na raw ang narating ng dalawa na ngayon ay itinuturing nang ‘untouchable’ gambling lords. Sa loob ng 15 years, lumobo ang kanilang illegal gambling business. Ang balita, ginagapang pa ng nila ang mga karatig bayan ng Padre Garcia.
Ano kaya ang masasabi ni Calabarzon Police Director BGgen. Carlito Gaces at Batangas Provincial Police Commander Col. Samzon Belmonte at ang police chief ng Padre Garcia sa usaping ito?
**
For comments, please call or text 09569012811 or email [email protected]