Joey Papa

Tumitinding init, tumitinding girian

May 14, 2024 Joey C. Papa 126 views

NAPAKAINIT ng panahon ngayon.

Sabi ng mga nakausap ko, itong taon na ‘to ang pinakamainit ang panahon.

Di na pagtatalunan ýon. Totoo ýon.

Kaya malaking bagay ang pag-ulan ng malakas sa ibang lugar ng Kamaynilaan. May binaha pa nga raw na isang lunsod.

Ngunit di pa rin nabawasan ang init.

Kundi mainit, baha naman.

Ngunit kailangan na talaga natin ang ulan. Kinukulang na ang pinagmumulan ng tubig, ang ulan naman sa aming lugar ay kakarampot pa lang.

Umulan ng mahina ng 10 minuto, tapos na ýon. Lalo lang uminit.

Mahirap naming manalangin ng malakas na ulan at tiyak babaha sa Kamaynilaan.

Di malaman ng Pinoy kung saan na susuling.

Samantala tuloy naman ang girian sa West Philiipine Sea.

`Laging binobomba ng tubig ng mga barko ng Tsina nang mga barko ng Pilipinas.

Ayaw ni PBBM na gumanti ng pambobomba ng tubig.

Lumalakas lalo ang loob ng ng Tsina.

May naglalakas loob na mga sibilyan ang magpupunta sa dagat ng Bajo de Masinloc upang magdala umano ng tulong sa mga mangingisda. Ngunit haharangin daw sila ng mga barko ng Tsina.

Ikalawang lakbay na nila ito kung sakali.

Ngunit babarikadahan daw sila ng sanrekwang barko ng Tsina! Paano ngayon?

Makakalaban ba ang barko ng mga sibilyan sa mga barkong pandigma ng Tsina?

Siyempre hindi.

Matagal ko nang naiiisip na gawin na lang aerial ang resupply mission at ngayon nga ay may nagpaplano na yata sa pamahalaan.

Mabilis pa ang sistemang ito at hindi mahaharang ng mga barko ng Tsina.

Haharangin naman kaya sila ng mga eroplano ng Tsina? Bobombahin pa kaya sila ng tubig ng Tsina?

Puwedeng mangyari ito, puwedeng hindi.

Patintero na lang talaga ang mangyayari.

Ngunit may panganib na matuloy ito sa bakbakan ng magkabilang puwersa, ang nagsusupply at puwersang mula naman sa Tsina.

Harinawang hindi naman sana.

Marami nang bansa ang gusting sumali sa nangyayaring sigalot sa WPS. Lalo ang mga bansang kaalyado ng US.

Natapos ang Balikatan Exercises at pinalubog ng mga kalahok sa Balikatan ang isang lumang barkong gawa sa Tsina. Tila patutsada ito sa Tsina na hindi lang sila ang may kakayahan sa digmaan kung mayron nga. Isang malakas na mensahe ito ng alyansa ng mga bansa.

Mensahe ng aba o pang-iinis?

Marami pang maaaring mangyari sa giriang ito. Ngunit ang paulit-ulit na pambobomba ng Tsina sa barkong Pilipinas ay matatawag na sobrang abuso na! Kalabisan na!

Nang ginawa kaya ng Dakilang Lumikha ang mundo ay may titulo nang ginawa para maaangkin ng Tsina ang West Philippine Sea? Nakapangalan kaya sa kanila ito. Tiyak akong hindi.

Pulitikal, negosyo at military ang mga dahilang nakapaloob sa giriang ito.

Kawawa naman ang nakararaming mamamayang Pilipino.

AUTHOR PROFILE