Posas

Tumatakas na gunman huli ng Zambo police

April 10, 2024 Alfred P. Dalizon 85 views

ISANG gunman na tumatakas matapos tambangan ang isang mag-asawa sa Zamboanga City noong Linggo ng gabi ang nadakip ng mga pulis sa isang matagumpay na dragnet operation, sinabi ni Police Regional Office 9 director, Brigadier General Bowenn Joey M. Masauding kahapon.

Ayon sa opisyal, ang motorcycle-riding na suspek ay kagyat na tumakas matapos pagbabarilin ang isang mag-asawa sa Purok 8, Barigon, Tugbungan, Zamboanga city bandang alas siyete kuwarenta’y sinko ng gabi noong Linggo.

Ang babaeng biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa kanyangtiyan at binti at kasalukuyang nagpapagaling sa isang local na ospital.

Sinabi ni Brig. Gen. Masauding na matapos matanggap ang ulat ukol sa pamamaril, kaagad na nagsagawa ang Zamboanga City Police Stations 5 at 6 ng hot pursuit at well-coordinated dragnet operation.

Dahil dito, naharang ang suspek na agad na kinilala ng mga saksi sa pamamaril sa isang checkpoint sa naturang siyudad bandang 8:32 p.m. ng parehong gabi o 47 minuto matapos ang gun attack.

Nabawi ng pulisya ang isang kalibre .45 na pistol na may magasin na naglalaman ng limang bala at isang scooter na ginamit na getaway vehicle ng suspect sa mga follow-up operations.

Ang nakumpiskang baril ay isinailalim sa ballistics examination samantalang na-paraffin test na ang akusado.

Sinabi ni Brig. Gen. Masauding na ipinagutos na niya ang malawakang imbestigasyon sa motibo sa pamamaril at ang pagsasampa ng kaukulang criminal cases laban sa suspek.

AUTHOR PROFILE