Paul Gutierez

Tuloy ba ang PUMVP at si ex-Cong Teves

March 22, 2024 Paul M. Gutierrez 76 views

HINDI pa masasabing “ibinasura” ng Korte Suprema ang petisyon kontra sa implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program o PUVMP.

Sa naging pahayag ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairperson Teofilo Guadiz, tila sinasabi nito na kinikilala ng SC ang kahalagahan ng modernisasyon sa pagsulong ng bansa, matapos ngang ibasura ng SC ang petisyon ng grupong Bayyo Association Inc noon pang Hulyo 2023, bagaman inilabas ang desisyon nito lang Marso 6.

Bagaman posible na malakas, ehek, malaki ang tama ni Guadiz sa kanyang haka-haka, walang binanggit na ganito ang Korte Suprema. Dangan kasi, na-dismiss ang petisyon hindi sa merito, kundi sa teknikalidad.

Ibinasura ng SC ang petisyon ng Bayyo, na nagpakilalang ang mga miyembro ay mga jeepney drivers at operators, dahil sa kakulangan ng ‘legal standing’ at sa paglabag sa ‘principle of hierarchy of courts’ – na ang ibig sabihin, dapat ay sa mas mababang hukuman muna idinulog ang kanilang panawagan na ibasura ang PUMVP.

Sinabi pa sa desisyon na bigo rin ang grupo na patunayan na ang kanilang mga miyembro ay lehitimong PUV operators at drivers. Hindi man sinabi, ang mensahe ng SC ay… “haoshiao” ang mga petitioners, ngek!

At dito tayo nagtataka mga kabayan. Kung hindi lehitimo ang grupo, bakit nagsampa ang mga ito ng petisyon kahit “alam” nila sa kanilang sarili na sa “kangkungan” pupulutin ang kanilang argumento?

Hindi natin sinasabing “pakawala” ang grupong ito, pero bakit sila nagpetisyon kung alam nila na hindi talaga sila lehitimong operators at drivers? Ang tanong nga ni Marcus Cicero: ‘Cui bono?’

Sino ang makikinabang?

Samantala, nakabinbin pa ang petisyon laban sa PUVMP ng grupong PISTON sa SC at wala pang desisyon dito. Sa halip, inatasan ng Mataas na Hukuman sina Transportation secretary Jaime Bautista at Guadiz na magsumite ng kanilang komento.

Matagal na nating sinasabi, NACTODAP president Ariel Lim, na hindi tayo kontra sa PUVMP, lamang ay dapat ayusin at linawin muna lahat ng polisiya at ang mga implikasyon nito, partikular sa sektor ng transportasyon at siyempre, sa hanay ng mga commuters, hind ba?

Batid natin na maganda ang hangarin ng modernisasyon, at inuulit natin, sana lang ay “plantsahin” muna lahat bago ito tuluyang ipatupad.

At sa mga “naghahasik” ng maling impormasyon na ‘game over’ na ang PUMVP, mas mainam na hintayin ang pinal na desisyon ng SC sa aspeto ng merito ng usapin, at hindi sa usaping teknikalidad. Abangan!

Samantala, natapos na ang “pag-aabang” ng madla kung kailan kaya “madadakma” si ex-Negros third district congressman, Arnie Teves, matapos ianunsiyo ng DOJ ang pagkahuli sa kanya sa East Timor/Timor Leste nitong Huwebes.

Ayon pa nga kay DOJ secretary, Jesus Crispin, ang pagkadakip kay Teves ay patunay sa epektibong pagtutulungan ng mga bansang kasapi ng Interpol laban sa mga terorista at mga may dapat panagutan sa batas saan mang panig ng mundo.

Inaasahan ano mang araw ang pagbalik sa bansa ni Teves, kasama ang mga operatiba ng NBI at kung saaan pa hahantong ang kasong ito ay dapat lang nating… abangan!

AUTHOR PROFILE