Default Thumbnail

Tulong sa Mayon victims P150M na

July 11, 2023 Zaida I. Delos Reyes 188 views

UMAKYAT na sa P150 milyon ang tulong na naipamahagi ng gobyerno sa mga apektado ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon sa Albay.

Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ginamit ang halaga sa pagbili ng collapsible jerry cans, distilled waters na nasa 6-liter bottles, drums, family food packs, family tents at kits, financial and fuel aid, hog grower feeds, hygiene kits, KN-95 face masks, knapsack sprayers, laminated sacks, “malongs,” modular tents, nets, nylon ropes, rice, ruminant feeds, siphoning devices, sleeping kits, surgical masks at tarpaulins.

Sa limang linggong pag-aalburuto ng bulkan, umabot na sa 9,867 pamilya na binubuo ng 38,376 katao ang naapektuhan.

Sa nasabing bilang, 5,360 pamilya o 18,710 katao ang nasa 26 evacuation centers habang nasa 408 pamilya o 1,431 katao ang nasa labas at mas piniling manuluyan sa kanilang kaanak.

Una nang nilinaw ng Office of Civil Defense na kabilang sa mga naapektuhang pamilya ang mga hindi na kailangan pang ilikas subalit apektado ang kabuhayan.

Sa ngayon, mayroon ding 47 search and rescue teams ang naka-antabay mula sa Armed Forces of the Philippines at Bureau of Fire Protection sa paligid ng bulkan.

Nakaantabay din kasama ng SRR teams ang 148 mobility assets na kinabibilangan ng 17 air, 103 land at 28 water assets galing din sa BFP at AFP.