
Tulay sa Sta. Rosa inaasahang buksan sa publiko sa Hunyo
CABANATUAN CITY – Inihayag ng Department of Public Works and Highways-2nd Nueva Ecija Engineering District office ang “substantial completion” ng bagong-na-rehabilitate na Sta. Rosa Bridge sa Nueva Ecija.
Sinabi ni DPWH-2ND-NEED district Engineer Elipidio Y. Trinidad na inaasahan niyang mabubuksan ang tulay para sa publiko sa kalagitnaan ng Hunyo sa sandaling matapos na ang curing period para sa tail-end section ng nalalabing concreting works gayundin ang asphalt overlay works para sa magkabilang kalsada ng tulay.
“Bandang July pa dapat matatapos ang tulay supposed to be. Pero ahead of time talaga ang pagka-rehab dahil mabilis ang pagkagawa ng contractor. Kaya itong hindi mangangalahati nitong June mao-open na ang tulay,” sinabi ni Trinidad sa Journal Group sa isang panayam nitong Miyerkules.
“Aabutin ng 28 days ang curing period ng concrete natin matapos itong buhusan. Di natin puwede basta basta io-open ang isang side ng tulay kasi very sensitive structure ito. Naka-suspended iyan naka-hang iyan hindi katulad ng kalsada na nakapatong sa lupa sa base,” dagdag ni Trinidad.
Ang rehabilitasyon ng 542.40-meter-long Sta. Rosa Bridge sa kahabaan ng Sta-Rosa-Tarlac Road sa Sta. Rosa ay isinagawa ng DPWH-Region 3 sa Central Luzon sa kabuuang halaga na P115-milyon habang ang pangangasiwa nito ay nasa ilalim ng DPWH-2ND-NEED ni Trinidad.
“Sidewalks and railings na lang tapos na, pinipinturahan na lang at saka sa ibabang bahagi ng tulay, puro clearing works na lang,” dagdag ni Trinidad.