Default Thumbnail

‘Tulak’ gamit ang mobile wallet sa drug deal

May 13, 2023 Steve A. Gosuico 218 views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija – Ang mga suspek umano sa kalakaran ng iligal ng droga ay sinasamantala diumano ang paggamit ng “mobile wallet” ng mga kilalang nagseserbisyo nito upang makakubra sila sa bawat transaksyon sa “street-level” na pagbebenta ng droga diumano.

Ito ang ibinunyag ni P/Major Rommel C. Nabong sa panayam ng Journal Group nitong Biyernes dito.

Dagdag pa ng opisyal, sinasabing ginagamit na ang mobile wallet o online payment services ng mga drug suspect para iwasan ang awtoridad diumano at hindi agad na madiskubre ito.

“Kung dati-rati puro kaliwaan ang usapan kung saan mismo iaabot ang pera kapalit ng droga, ngayon ay hi-tech na dahil dito (halimbawa ang paggamit ng) GCash,” sinabi ni Nabong.

Ayon pa kay Nabong, matapos mabayaran sa GCash, magte-text na umano ang “drug pusher” sa parokyano nito para kunin ang binayarang iligal na droga sa isang pin-pointed location na ibibigay ng una.

“Halimbawa sinabi sa text ng tulak na doon mo pick-up-in sa may tulay ng Sta. Rosa, ayun doon niya ito kukunin. Ganun na ang sistema ng pagbenta ng droga dahil siguro para iwas-huli sila,” saad pa ni Nabong.

Aniya, nalaman niya ang pinakabagong drug modus na ito mula sa isang nagbebenta ng shabu mula sa Barangay Papaya dito, na nahuli nila kamakailan.

Sinabi din ni Nabong na ang bayang ito ay nag-aaplay na ma-classify bilang isang “drug-cleared” municipality matapos ang lahat ng 16 na barangay nito ay idineklarang “drug-cleared” ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Marso 17, 2023.

Matatandaan na nang maupo si Nabong bilang hepe ng bayang ito noong isang taon, inatas sa kanya ni Mayor Arvin C. Salonga na sugpuin ang problema ng iligal na droga at kapag droga ang pag-uusapan ay wala dapat ditong “kompromisuhan” o aregluhan.

AUTHOR PROFILE