posas

Tsino na wanted sa kidnap, tiklop

June 5, 2024 Alfred P. Dalizon 153 views

ISANG 34-anyos na Chinese national na nahaharap sa isang non-bailable kidnapping-for-ransom case ang nadakip ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-ACG)sa isang manhunt operation sa Pasay City noong Lunes, ayon sa isang report kay PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil kahapon.

Si Junwei Li, isang residente ng Tower 1, Shore Residences sa Pasay City ay inaresto sa kahabaan ng Seaside Boulevard sa Pasay City sa bisa ng isang warrant for kidnapping-for-ransom na ipinalabas ni Judge Anne Beatrice Aquana-Balmaceda ng Parañaque City Regional Trial Court Branch 195 noong nakaraang April 15, sinabi ni PNP-AKG director, Brigadier Gen. Cosme A. Abrenica.

Hindi na nakapalag ang wanted na Tsino nang siya ay sunggaban ng mga tauhan ng PNP-AKG Luzon Field Unit na pinamumunuan ni Lieutenant Colonel Rossel I. Cejas.

Siya ay agad ding binasahan ng kanyang constitutional rights sa pamamagitan ng Google translate application bago dinala sa PNP-AKG headquarters sa Camp Crame.

Ang nadakip na suspect ay kinilalang isa sa mga miyembro ng isang KFR gang na dumukot sa mga Vietnamese nationals na sina Vu Thi Mai at Nguyen Duc Ahn noong Octobre 2, 2023.

Pinakawalan ng mga kidnappers ang dalawa pagkatapos ng 25-araw matapos na sila ay makapagbayad ng ransom.

Ayon sa PNP-AKG, si Junwei Li ay positibong kinilala bilang ‘ransom-taker’ ng gang at isa sa mga nagbantay sa dalawang biktima sa kanilang safehouse.

Si Junwei Li ay pang-anim na sa mga kidnappers ng dalawang Vietnamese na nadakip na ng pulisya sa tulong ng mga biktima at mga saksi sa krimen.

AUTHOR PROFILE