Bumbero

TRUCK NG BUMBERO NASIRA MATAPOS RUMESPONDE SA SUNOG SA SAN ANTONIO, NUEVA ECIJA

April 27, 2025 Steve A. Gosuico 158 views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija — Dismayado si Mayor Arvin C. Salonga dahil sa nangyaring kapabayaan diumano ng Bureau of Fire Protection-San Antonio, Nueva Ecija (BFP-SANE) sapagkat ang ipinahiram sa kanila na fire truck ng municipal disaster risk reduction and management office ay nasira matapos rumesponde ito sa naganap na sunog na umabo ng pitong kabahayan sa Bgy. San Mariano nitong Linggo ng gabi, Abril 20, 2025.

Ang dahilan ng pagkasira ng fire truck: kulang ng ATF (automatic transmission fluid) ang transmission nito nang itakbo ito sa responde.

Ayon sa initial estimate, aabot sa halagang P60,000 ang gagawing repair ng nasirang transmission ng nasabing truck.

Dahil sa nangyari, tinawag ni Mayor Salonga na “iresponsable” ang umano’y ginawang ito ng BFP-SANE dahil may kinalaman ito sa “breach of duty to act with reasonable care” na nagresulta sa pagkasira ng transmission ng fire truck.

Napag-alaman na ang nasirang fire truck ay ipinahiram ng munisipyo sa BFP-SANE sa pamamagitan ng isang memorandum of agreement na pirmado ni Salonga at may basbas ng Sangguniang Bayan.

“Kulang sila sa maintenance ng truck, dapat regular nilang tsinecheck ang sasakyan, pati langis, fluid, krudo, etcetera, lahat lahat,” saad ng alkalde.

“Nasa kanila na nga ang unit at sa akin din naman sa munisipyo hinihingi at kinukuha ang lahat ng kailangan sa maintenance nitong fire truck, napapabayaan pa nila,” ani Salonga.

Dahil sa insidente, binatikos ni Salonga ang BFP kung saan ba napupunta ang budget nito taon-taon na sana ay pangunahing inilalaan sa pagkakaloob ng fire trucks sa mga local government units kasama ang maintenance funds para dito.

AUTHOR PROFILE