
TRI-COMM HEARING SA FAKE NEWS TULOY
SA ikatlong pagdinig ng tri-committee ng Kamara de Representantes sa Martes ay inaasahan ang pagdalo ng mga vlogger at social media influencer, kabilang na ang tatlong nag-sorry sa pagpapakalat ng “fake news” sa nakaraang pagdinig, at inimbitahan ang iba pang personalidad gaya ni Jose “Jay” Yumang Sonza.
Ayon sa tri-comm, na pinangungunahan ni Sta Rosa City Rep. Dan Fernandez, chairman ng House committee on public order and safety, kabilang sa mga muling inimbitahan ng komite sina Krizette Laureta Chu, Mark Lopez, Mary Jane Quiambao Reyes at dating press secretary at vlogger na si Atty. Rose Beatrix “Trixie” Cruz-Angeles.
Si Chu, na nagpakilalang editor ng Manila Bulletin, Reyes at Lopez ay una nang humingi ng paumanhin sa mga mambabatas sa tri-comm hearing noong Marso 21 dahil sa mga misleading at hindi napatunayang mga post sa social media platforms.
Bukod kay Sonza, kasama sa listahan ng mga inimbitahang resource persons sina Elizabeth Joie Cruz (Joie De Vivre), Dr. Ethel Pineda Garcia, Alvin Curay, Ma. Khristine Claud Curay, Epifanio Labrador, Manuel Mata Jr. (Kokolokoy), Dr. Richard Tesoro Mata (Dr. Richard at Erika Mata), George Ahmed Paglinawan (Luminous by Trixie & Ahmed), Aeron Peña (Old School Pinoy), Ramon Gerardo B. San Luis at Elijah San Fernando (Eli).
Nauna ng nagpalabas ng subpoena ang joint panel sa 24 na vloggers at influencers upang magbigay ng testimonya sa pagdinig na gaganapin sa Abril 8.
Nagbabala si House committee on public accounts chair at Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano na maaaring ma-cite in contempt at ipaaresto ang 24 na indibidwal na inisyuhan ng subpoena kung muling hindi sisipot sa pagdinig ang mga ito.
Kabilang sa 24 na inisyuhan ng subpoena sina Ernesto S. Abines Jr., Lorraine Marie Tablang Badoy-Partosa, Suzanne Batalla, Mary Catherine Binag, Jeffrey Almendras Celiz, Atty. Glenn Chong, Claire Eden Contreras, Lord Byron Cristobal, Jeffrey G. Cruz, Alex Destor, Ma. Florinda Espenilla-Duque, Claro Ganac, Edwin Jamora, Elmer Jugalbot, Julius Melanosi Maui, Joe Smith Medina, Alven L. Montero, Jonathan Morales, Cyrus Preglo, Vivian Zapata Rodriguez, Darwin Salceda, Allan Troy “Sass” Rogando Sasot, Maricar Serrano at Kester Ramon John Balibalos Tan.
Ang tri-comm ay binubuo ng House committees on public order and safety, information and communications technology at public information.
Layunin ng panel na alamin ang pananagutan ng ilang mga content creator at social media influencer sa pagpapakalat ng fake news, maging ang mga hakbang na isinagawa ng mga platform upang pigilan ang pagkalat ng mga maling impormasyon.
Nababahala ang mga mambabatas sa mga ulat na ang ilang vloggers ay gumagamit ng kanilang mga content upang linlangin ang publiko at atakihin ang mga kalaban sa politika.
Layunin ng mga pagdinig na alamin kung ang mga aksyong ito ay bahagi ng organisadong kampanya at kung paano ito pinopondohan.
Umaasa rin ang joint panel na makadadalo sa pagdinig ang mga kinatawan ng social media platforms tulad ng Meta (Facebook), TikTok at Google, upang sagutin ang mga tanong ukol sa kanilang mga content moderation systems at pakikipagtulungan sa mga hakbang ng gobyerno laban sa fake news.
Inaanyayahan din ang mga opisyal mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Justice (DOJ), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Anti-Money Laundering Council (AMLC) na dumalo at magbigay-linaw sa imbestigasyon.
Layunin ng imbestigasyon na tukuyin ang angkop na mga hakbang na legal at lehislatibo upang labanan ang disimpormasyon, nang hindi nalalabag ang freedom of speech na itinataguyod ng Konstitusyon.
Sinabi ng mga mambabatas na nais nilang balansehin ang pananagutan at ang karapatan sa malayang paggamit ng internet ng publiko.
Gaganapin ang pagdinig sa Speaker Nograles Hall sa South Wing Annex building sa Batasan Complex.
Ito ay tugon sa panawagan ng civil society groups at media watchdogs na agad na kumilos laban sa laganap na pagkalat ng mapanlinlang na impormasyon sa internet.
Ang Kamara ay nagiimbestiga upang makagawa ng angkop na regulasyon na may kaakibat na parusa sa mga indibidwal na sadya at paulit-ulit na nagpapakalat ng maling impormasyon, na naglalagay sa panganib ng kaligtasan ng publiko at mga institusyon ng gobyerno.