
Transgender timbog sa ‘sextortion’ ng bata
ARESTADO sa inilatag na entrapment operation ng mga tauhan ng Manila District Anti-Cybercrime Team (MDACT) ang isang 21-anyos na transgender na suspek sa “sextortion” ng batang may special needs, nitong Lunes ng umaga sa loob ng isang mall sa Ermita, Manila.
Nakilala ang suspek sa alyas “Ann Antukin/Sunata Hen” na isang estudyante at residente ng Balong Bato, Quezon City.
Desidido naman na ituloy ang kaso ng mga magulang ng biktima na isang batang with special needs.
Base sa ulat ni Police Captain Marlon Flores, team leader ng MDACT, bandang 11:09 ng umaga nang ilatag ng grupo ang entrapment sa loob ng mall sa Ermita.
Nabatid sa report ng pulisya na inereklamo ng ina ng biktima ang suspek na nakilala online ng kanyang anak. Nagkaroon umano ng relasyon ang transgender at ang anak nito na menor de edad.
Nanghingi umano ng P10,000 ang suspek sa biktima at kung hindi ito maibibigay ay nagbanta umano ang suspek na ipadadala ang mga sensitibong larawan ng biktima.
Dahil dito, napilitan ang biktima na mangupit ng pera sa kanyang ina at nang madiskubre ang ginawang pagnanakaw ng biktima ay dumulog sa nasabing himpilan ang mag-ina.
Agad namang naglatag ng entrapment operation ang mga operatiba ng MDACT.
Matiyagang nagantabay ang grupo sa loob ng mall hanggang sa nilapitan ng biktima ang suspek at ibinigay ang dalawang pirasong P1,000 na marked money. Dito na lumapit ang mga operatiba sa pamumuno ni Flores at inaresto ang suspek.
Narekober ang dalawang libong pera na ginamit sa entrapment, cellular phone at iba pang mga dokumento na pagaari ng suspek.
Narekober din ang alternative recording devise na ginamit ng biktima habang kausap ang suspek upang isama sa gagamiting ebidensya.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong swindling a minor na nakapaloob sa Article 317 ng Revised Penal Code, as amended by Republic Act (RA) 10951.
Nilabag din nito ang RA 7610, o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at ang RA 11930, o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act, in relation to Section 6 ng RA 10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012.