Torture

Torture, rape sa mga biktima ng drug war ni Duterte posibleng isama sa paglilitis ng ICC

April 27, 2025 People's Tonight 87 views

ANG laban para sa katarungan ng mga biktima ng rape at torture sa ilalim ng madugong drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay muling nasa ilalim ng pandaigdigang pagsisiyasat, habang umuusad ang mga pagdinig ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa mga paratang ng krimen laban sa sangkatauhan.

Ang muling pagbibigay ng atensiyon ay kasunod ng pahayag ni ICC-accredited Filipino lawyer Gilbert Andres, na kinakatawan ang ilan sa mga biktima.

Binigyang-diin ni Andres na maaari pa ring maharap si Duterte sa mga karagdagang kaso ng rape at torture habang naghahanda ang korte para sa kumpirmasyon ng pagdinig sa mga kaso na itinatakda sa Setyembre.

“The confirmation of charges is the process wherein the prosecutor will actually define the boundaries of the charge against the suspect. So it’s still possible to include torture, still possible to include rape,” pahayag ni Andres sa isang panayam.

Noong Pebrero ay naghain ang Office of the Prosecutor ng ICC ng aplikasyon para sa arrest warrant laban kay Duterte, tinukoy ang mga krimen laban sa sangkatauhan na may kinalaman sa pagpatay, torture, at rape.

Naniniwala ang mga prosecutor na may ‘reasonable grounds’ upang ikonsidera si Duterte bilang isang indirect co-perpetrator.

Ang aplikasyon para sa warrant of arrest ay naglalaman ng 45 umano’y pagpatay, apat na kaso ng torture, at tatlong insidente ng panggagahasa—mga gawa na, ayon sa tagausig ng ICC, ay maaaring ituring na mga krimen laban sa sangkatauhan.

Noong 2019, tinanggap ng ICC Office of the Prosecutor ang isang ulat na nagdedetalye ng mga insidente kung saan ginahasa ng law enforcement officers ang mga kababaihan na may personal na ugnayan sa mga indibidwal na pinaghihinalaang may kinalaman sa droga—ang ilan sa kanila ay pinatay kalaunan ng mga puwersa ng estado o mga hindi kilalang salarin

“Further, it has been reported that in at least a few incidents, members of law enforcement raped women who were apparently targeted because of their personal relationships to individuals alleged to have been involved in drug activities,” nakasaad sa report.

Bukod dito, iniulat ng United States State Department na 16 Filipino police officers ang sangkot sa walong kaso ng rape magmula noong 2017, ang kasagsagan ng war on drugs ni Duterte.

Nakapagtala rin ang Center for Women’s Resources (CWR) ng 13 kaso ng pang-aabuso na isinagawa ng mga police officer sa pagitan ng January 2017 at July 2018.

Kinabibilangan ito ng walong kaso ng rape, tatlong kaso ng acts of lasciviousness na kinasasangkutan ng 12 opisyal, isang kaso ng harassment, at isang kaso ng physical assault.

Higit pa sa mga kasong nakasampa sa korte, patuloy na lumilitaw ang mga ulat ng panggagahasa at sekswal na pang-aabuso sa mga kababaihan sa pulisya o protective custody.

Hinimok ng grupong pangkarapatan ng kababaihan, ang Gabriela, ang matinding pagkontra sa laganap na sekswal na karahasan laban sa mga kababaihan sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, na ipinahayag na ang retorika ng dating presidente ay

Mariing kinondena ng women’s rights group Gabriela ang malawakang sexual violence laban sa mga kababaihan sa ilalim ng Duterte administration, inihayag na ng retorika ng dating pangulo ay nagbigay-daan at nag-normalisa sa ganitong uri ng pang-aabuso.

AUTHOR PROFILE