Francis Tolentino

Tolentino umaasang ‘di sisirain ng pananakot ng Tsina ang ating Pasko

December 10, 2023 People's Tonight 118 views

MATAPOS gumamit ng water cannons ang China laban sa mga research vessel ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na tumungo sa Scarborough Shoal, sinabi ni Senator Francis Tolentino na umaasa siyang hindi sisirain ng Chinese Coast Guard ang ating Pasko ng kanilang pananakot.

Tinuligsa ni Tolentino ang paggamit ng water cannon ng isang CCG vessel laban sa mga bangka ng BFAR na nagdadala ng suplay sa mga mangingisdang Pilipino malapit sa Bajo de Masinloc noong Sabado.

“We strongly condemn China’s use of water cannons against civilian research vessels near Bajo de Masinloc within the Philippines’ Exclusive Economic Zone, undermining peace and stability in the region,” sabi ni Tolentino sa isang pahayag.

Walong beses kinanyon ng tubig ng CCG vessel ang mga sasakyang pandagat ng BFAR na Datu Sanday, Datu Bankaw, at Datu Tamblot patungo sa 30 Filipino fishing vessel malapit sa Bajo de Masinloc.

Umaasa rin si Tolentino na magkakaisa ang pandaigdigang komunidad laban sa mga ganitong gawain at ang kabutihang-loob at mabuting kalooban ay hindi madadaig ng pananakot.

“As a flotilla of civilian Filipino vessels prepare to deliver Christmas gifts within the Philippine EEZ, we hope the international community will remain united against harassment and that the festive spirit of generosity and goodwill will not be overshadowed by the forces of intimidation,” dagdag ni Tolentino.

Samantala, ipinagdarasal ni Tolentino na maging ligtas at matagumpay ang paglalakbay ng grupo ng mga Pilipinong naglalayag patungong Ayungin Shoal para magbigay ng Pamasko sa mga sundalong nakatalaga sa pinag-aagawang karagatan habang binibigyang kasiguruhan ang pagpasa ng Philippine maritime zones law sa Enero ng susunod na taon.

Nakipagpalitan ng pananaw kay Edicio Dela Torre, co-convenor ng Atin Ito Coalition na nag-organisa ng humanitarian voyage sa Ayungin Shoal, nagbigay ng katiyakan si Sen. Tolentino na ang pagpasa ng maritime zones law ay magpapalakas sa pag-angkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea ( WPS) at sa mga likas na istruktura sa loob ng 200-milya Exclusive Economic Zone sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS).

Ibinahagi ni Dela Torre na mayroong 40 outrigger boat at dalawang barko na maglalayag patungong Ayungin Shoal na aalis sa baybayin ng Palawan, madaling araw ng Disyembre 10.

Isa si Sen. Tolentino sa mga opisyal ng Pilipinas na nag-endorso sa National Security Council ng paglalayag ng Atin Ito Coalition sa Ayungin Shoal para bigyan ng Pamasko ang mga nakatalagang sundalo at simbolikong ipakita ang suporta ng sambayanang Pilipino sa kanilang mga sakripisyo para matiyak ang soberanya sa WPS.

Sinabi ni Dela Torre na dapat ipagdiwang ang humanitarian activity ng Atin Ito Coalition na bumisita sa mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre dahil bihira ang mga aktibista na nakikipagkaisa sa gobyerno sa napakaraming isyu.

Aniya, humigit-kumulang 200 indibidwal, kabilang ang mga mangingisda at tripulante ng barko na sanay sa sitwasyon sa WPS na may presensya ng Chinese Coast Guard at maritime militia, ang inorganisa para samahan ang Atin Ito Coalition.

“Sana huwag sirain ng China ang ating Pasko,” ani Sen. Tolentino at hiniling sa sambayanang Pilipino na ipagdasal ang kaligtasan ng pagbisita ng Atin Ito Coalition.

Sinabi ng mambabatas na ang pagpasa ng maritime zones law ay maglalagay sa domestic law ng mga probisyon ng UNCLOS upang matukoy at maitatag ang maritime boundaries ng Pilipinas.

Aniya, kasama rin sa batas ng maritime zones ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na pumabor sa mga claim ng Pilipinas sa WPS at ibinasura ang mga claim ng China sa halos lahat ng South China Sea.

Ang pagpasa ng maritime zones law, anang senador, ay magpapalakas sa pag-angkin ng Pilipinas sa WPS at gagabay sa mga sasakyang pandagat na dumadaan sa mga katubigang ito sa loob ng teritoryo ng bansa.

AUTHOR PROFILE