Tolentino Si Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ay nanawagan ng ibayong pagbabantay matapos ihayag ng AFP ang resulta ng pagsusuri sa submersible drones.

TOL nanawagan ng ibayong pagbabantay matapos ang pagsusuri ng AFP sa submersible drones

April 22, 2025 People's Tonight 209 views

IBAYONG pagbabantay ang pinanawagan ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino matapos ihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang resulta ng pagsusuri sa mga submersible drones na narekober mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa nitong mga nakaraang buwan.

“Pinatitibay ng forensic results ng AFP ang naunang konklusyon ng ating pagsisiyasat, na ang isyu ng underwater drones ay may kinalaman sa ating pambansang seguridad,” pahayag ni Tolentino, na nanguna sa Senate inquiry sa isa sa mga drone na natagpuan ng mga mangingisda sa San Pascual, Masbate.

“Lumalabas na naglulunsad ng drones ang China para pag-aralan ang ating seabed, gawan ng mapa ang ilalim ng ating karagatan, at kumalap ng mga kritikal na impormasyong may gamit syensya, komersyal o militar,” aniya.

“Lalo ngayon, dapat paigtingin ang ating pagsisikap na protektahan ang West Philippine Sea, at ituloy ang paggigiit, sa pamamagitan ng ligal at diplomatikong pamamaraan, sa ating mga karapatan bilang malayang bansa sa ating exclusive economic zones, at mga rekursong nakapaloob dito,” diin ni TOL.

“Kailangan ng ibayong pagbabantay. Ang lakas ng pamahalaan ay nagmumula sa pagkakaisa ng taumbayan. Kahit sino ay pwedeng tumulong sa interes ng bansa, sa pamamagitan ng agarang pag-uulat ng anumang kahina-hinalang gamit o aktibidad na maoobserbahan natin sa karagatan o ating komunidad,” ayon pa sa Chairman ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones.

“Kapag may nakita kang drone, wag subukang kalikutin, wag ikalakal, o itago bilang souvenir. Agaran itong iulat at i-turnover sa ating lokal na pamahalaan o kapulisan,” paalala nya.

Ginamit nyang halimbawa ang tatlong mangingisda mula Masbate – sina Jojo Cantela, Rodnie Valenzuela, at Jeric Arojado – na kagyat na iniulat sa mga awtoridad ang submersible drone na kanilang natagpuang palutang-lutang sa laot noong Disyembre 30. Kinilala sila ng Senado dahil sa kanilang katapangan, pagbabantay, at pagiging makabayan.

AUTHOR PROFILE