Love

TLC Heart Beats binuksan sa Taguig City

February 11, 2025 Edd Reyes 225 views

Love1Para sa isang linggong selebrasyon ng Valentine’s Day

HINDI naging hadlang ang pagbuhos ng ulan sa inilunsad na isang linggong pagdiriwang ng Araw ng mga Puso sa Taguig City Lunes ng gabi sa TLC Park, Laguna Lake Highway C-6 Road sa Brgy. Lower Bicutan.

Ayon kay Mayor Lani Cayetano, ang pagdiriwang ay tinampukan ng pagbubukas ng TLC Heart Beats: Public Service Caravan na lalahukan ng mga bantog na mang-aawit sa industriya ng musika na mag-iikot sa mga piling lugar sa Vista Mall, Area South, at Benigno Aquino High School upang magbigay kasiyahan sa publiko sa pamamagitan ng kanilang mga awitin.

Sa ginanap na pagbubukas ng TLC Heart Beats, naging tampok ang espesyal at hindi malilimutang pagganap ng mga sikat na bandang Sitti at Luna Band na naghandog ng musika at makabuluhang alaala ng pag-ibig sa mga dumalong residente na nasiyahan ng husto sa libreng concert.

Sinabi ni Mayor Lani Cayetano na tiyak na aabangan ng publiko sa mismong araw ng pagdiriwang ng Valentine’s Day sa Pebrero 14 ang libreng live performance ng bantog na mang-aawit na sina Ariel Rivera, Ella May Saison, at South Boarder sa Love at the Park sa TLC Village na bahagi ng pagpapadama ng pagmamahal ng Taguig City sa kanilang mga kababayan.

Sa Sabado naman ng gabi, Pebrero 15 ay itatampok naman ang libre pa ring concert nina Jillian Ita-as at MC Dela Cruz habang sa pagtatapos ng isang linggong pagdiriwang sa araw ng Linggo ay anim hanggang pitong banda naman ang libreng magbibigay kasiyahan sa publiko sa Love at the Park pa rin.

AUTHOR PROFILE