
Tingog Partylist inilunsad state-of-the-art testing lab sa Leyte
MAGKATUWANG na inilunsad nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre ang isang state-of-the-art na Regional Standards and Testing Laboratory (RSTL) sa Leyte upang makapaghatid ng de-kalidad na serbisyo ng gobyerno sa lugar.
Ang pasilidad ay nagkakahalaga ng P42 milyon at naglalaman ng mga makabagong kagamitan sa pagsusuri.
“The unveiling of our modernized RSTL marks a pivotal moment in our journey towards excellence. This state-of-the-art facility is not just an achievement for Tingog Party-list, but a beacon of progress and innovation for all of Eastern Visayas,” ayon kay Acidre.
“This project is a testament to Tingog’s commitment to an inclusive social development, underscoring the importance of empowerment of regional offices to make services more accessible to Filipinos as part of our Bagong Pilipinas,” sabi pa ni Acidre.
Ang RSTL ay may tatlong laboratoryo — Microbiology Laboratory, Metrology and Calibration Laboratory, at Physico-Chemical Laboratory — na nag-aalok ng iba’t ibang serbisyo at binubuo ng mga kwalipikadong propesyonal.
Ang bagong Microbiology Laboratory ay para sa pagsusuri ng tubig, wastewater at mga pagkain o produktong pagkain. Ito ay kinikilala ng Food & Drug Administration (FDA) at may pakikipagtulungan sa Primewater at Eastern Visayas Medical Center.
Habang ang Metrology and Calibration Laboratory ay nananatiling pangunahing tagapagbigay ng serbisyo sa volumetric at mass calibration sa rehiyon. Ang laboratoryong ito ay nagbibigay ng on-site testing calibration services sa kahilingan ng iba’t ibang ahensya sa buong Region 8. Ito ay nag-aalok ng small volume, big volume, mass pressure, thermometry at length calibrations.
Ang Physico-Chemical Laboratory ay para naman sa mga analytical test ng tubig, wastewater at mga pagkain. Ito ay nakaayon sa Chemistry Profession Act; kaya’t binubuo ito ng mga rehistradong chemist at chemical technician. Ngayong 2024, nakakuha ang RSTL ng Certificate of Authority to Operate a Chemical Laboratory mula sa Professional Regulation Commission.
Ang Department of Science and Technology (DOST) Region 8-RSTL ay isang accredited na One-stop Laboratory Services for Global Competitiveness (OneLab).
Ang OneLab ay bahagi ng inisyatibo ng DOST upang pag-isahin at magkaroon ng pagtutulungan ang mga laboratoryo sa iba’t ibang panig ng bansa. Ito ay isang network ng mga laboratoryong pinagsama sa pamamagitan ng isang IT platform, na nag-aalok ng referral system para sa testing at calibration services sa pamamagitan ng isang single touch point. Ang sistemang ito ay nagbibigay sa mga kostumer ng maginhawa at madaling pag-access sa isang komprehensibong hanay ng laboratory testing at calibration services.
Dumalo sa serermonya para sa paglulunsad ng laboratoryo si Acidre bilang kinatawan ng Tingog Party-list, officer-in-charge ng Office ng Regional Director ng DOST Region 8 na si Dr. John Glenn Ocaña, DOST Undersecretary for Special Concerns Dr. Teodoro Gatchalian, at Assistant Regional Director for Technical Operations Marilyn Radam.
Ang Region 8-RSTL ay itinatag noong 1998 upang magbigay ng mga serbisyong testing at calibration sa mga industriya, mananaliksik, mag-aaral at iba pang mga kostumer.
Maaaring makipag-ugnayan sa DOST 8-RSTL para sa karagdagang impormasyon sa pamamagitan ng email na [email protected].