Default Thumbnail

TIGOK SA ISANG SUNTOK!

February 24, 2023 Jojo C. Magsombol 272 views

PATAY ang isang 43-anyos na helper matapos umanong suntukin ng isang lalaki sa mukha at bumagsak sa semento sa loob ng isang hardware sa Bgy. Rizal sa Tuy, Batangas, nitong Miyerkules ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Felipe Perez y Andallon, 43, may asawa, helper at residente ng Bgy. Bolbok sa bayan ng Tuy.

Ang suspek na kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya ay nakilalang isang 26-anyos na construction worker, binata at residente ng Bgy. Magahis sa Tuy.

Base sa imbestigasyon, dakong alas 9:30 ng umaga ng ika-22 ng Pebrero, ang asawa ng biktima na si Cristina Perez y Rodriguez ay personal na nagtungo sa pulisya at nagsampa ng complaint laban sa suspek.

Sinabi niya na hindi tinupad ng pamilya ng suspek ang isang amicable settlement sa insidenteng naganap na ikinamatay ng kaniyang asawa.

Ayon sa salaysay niya, dakong 8 ng umaga noong ika-4 ng Pebrero, habang ang kaniyang asawa ay nasa trabaho nito sa hardware sa Bgy. Rizal ng nasabing lugar, dumating ang nasabing suspek at sa hindi malamang dahilan ay nagkaroon ng mainit na pagtatalo.

Napag-alaman niya na sinuntok sa mukha ng suspek ang asawa niya na ikinabuwal nito at bumagsak ang parteng ulo niya sa semento.

Ayon sa pulis, mabilis umanong isinugod ang biktima sa Don Manuel Lopez Memorial District Hospital upang agarang magamot at pagkatapos ay inilipat sa Batangas Medical Center.

Subalit makaraan ang ilang araw ay binawian ito ng buhay dahil sa matinding pagkabagok ng ulo nito, ayon sa doktor.

AUTHOR PROFILE