LTFRB

Tigil-pasada, hindi gaanong ramdam – LTFRB

March 7, 2023 Jun I. Legaspi 490 views

HINDI naramdaman ang ginawang tigil-pasada ng ilang transport group, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Nagpaabot ng pasalamat ang ahensiya sa lahat lalo na sa pakikiisa at paghahanda ng halos lahat ng local government, at iba’t-ibang opisina at tanggapan ng gobyerno maging ang mga transport group na hindi sumama sa tigil-pasada.

Walang umanong natanggap ang LTFRB sa kanilang monitoring na maraming pasahero ang na-stranded sa iba’t-ibang lugar, na halos parehas din umano sa ordinaryong araw ng mga pasahero.

Maging ang kapulisan ay nagsabi na hindi naman nakasagabal o nakaapekto sa “peace and order” ang tigil-pasada ng ilang tsuper ng jeep partikular sa lungsod ng Quezon.

Batay ito sa assessment ng awtoridad, 27 lang ang nakitang stranded na pasahero ng siyudad subalit hindi naman tumagal ang paghihintay dahil sa mga nag-aalok ng libreng sakay.

Nagkalat din umano ang mga libreng sakay ng iba’t-ibang tanggapan at opisina ng gobyerno maging ang mga transport groups na pinangunahan ng 1-United Transport Alliance Koalisyon (1-UTAK), ang umbrella transport organization ng mga transport sa buong bansa.

Ayon kay Atty. Vigor Mendoza II, chairman ng (1-UTAK), bagamat may ilang mga grupo na nagtigil-pasada sa ilang lugar, hindi ito nakaapekto sa daloy ng mga pasahero dahil na rin sa pagtutulungan ng ibang pang mga transport groups leaders at members sa buong bansa.

AUTHOR PROFILE