Suspek Kinakausap ni Police Lt. Col. Roberto Mupas ang suspek sa umano’y pagpatay sa batang babae na edad 7-anyos, matapos na maaresto ito ng mga operatiba makaraang mahulihan ng baril na walang lisensya sa Tondo, Maynila. Kuha ni JONJON REYES

TATAY NA ‘NAPATAY’ ANAK SA BUGBOG, TIMBOG

September 16, 2023 Jonjon Reyes 316 views

Suspek laglag sa baril na walang lisensiya   

ARESTADO ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Raxabago Police Station 1 ang ama na umano’y suspek sa pagkamatay ng 7 anyos na anak na babae kamakailan, matapos mahulihan ng baril na walang lisensya sa Tondo, Maynila.

Nagkaroon pa ng umaatikabong habulan bago nakorner ang isang 32-anyos na helper hanggang sa makitaan ng kalibre 38 na baril, sa panulukan ng Carlos P. Garcia at Pacheco Streets, Barangay 116 sa Tondo, Maynila gabi ng Biyernes.

Dahil dito, nahaharap ang suspek sa kasong resisting arrest alinsunod sa Article 151 ng Revised Penal Code, at paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, in relation to Batas Pambansa Blg. 881 o ang Omnibus Election Code.

Ang suspek ay may kalive-in at nakatira sa Capulong Street, Tondo.

Batay sa ulat na isinumite ng Don Bosco Police Community Precinct (PCP) kay Police Lt. Col. Roberto Mupas, commander ng MPD-Raxabago Police Station 1, bandang 6:45 ng gabi nang maispatan ng mga kapulisan ang lalaki

Dahil sa patuloy na pagpapatrolya ng mga awtoridad kaugnay sa umano’y laganap na holdapan sa lugar, namataan nila ang isang lalaki na may hindi magandang kinikilos.

Nilapitan nina Police Corporal Ariel Angeles at Patrolman Christian Bacani, kapuwa nakatalaga sa Don Bosco PCP, ang lalaki para sana tanungin at sitahin.

Tinangka pang umiwas at tumakas ng suspek nang ito’y kanilang kinakausap at nang ito’y kanilang hawakan sa kamay, agad na pumiglas at saka nagtatakbo ito papalayo sa mga kapulisan.

Subalit agad namang hinabol ang lalaki hanggang sa makorner ito sa isang lugar at dito na nabatid at nakitaan na may dala itong baril na nakasabit sa kanyang baywang.

Nang ito’y tanungin, wala namang maipakitang anomang dokumento ng baril kaya agad na pinosasan ang naturang suspek at isinailalim sa medical checkup sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center at saka dinala sa nasabing PCP.

Gayunpaman, inaalam din ng mga awtoridad kung ang lalaki ay ang nakapatay sa bugbog sa kanyang 7-taong gulang na anak na babae, habang inaantay pa ang kaukulang reklamo ng ina ng biktima.

Kabilang sa kaso ng suspek ang pagdadala ng baril na hindi lisensyado.

Agad nagpaabot ng papuri at pasasalamat si “The Game Changer General” MPD chief PBGen.Andre P. Dizon sa mga kapulisan ng Raxabago Station 1 sa mabilis na aksyon at walang sawang pagpapatrolya sa kanilang area of responsibility.

AUTHOR PROFILE