Allan

Tatanda at papanaw din

June 21, 2024 Allan L. Encarnacion 73 views

KASAMA na palagi sa pangako sa kampanya ang “libreng maintenance” sa mga senior citizens.

Iba’t ibang paraan kung paano ibibigay, may door to door na magandang soundbytes, mayroon namang pinapupunta sa city hall o munisipyo ang matandang recipients, puwedeng buwanan, puwedeng lingguhan.

Kapag ibinulalas ito ng kumakandidato, isa ito sa mga blockbuster lines na dumadagundong ang palakpakan. Siyempre mas mahina ang palakpak mula sa mga seniors kasi nga kulang na sa lakas.

Ang mas malutong na palakpak ay nagmumula sa mga anak or sa mga bumibili ng maintenance medicines para sa kanilang mga magulang at lolo’t lola.

Mas makakaluwag iyong mga taga-bili ng gamot bagama’t malaking tulong maman talaga para sa mga seniors.

May mga kasabayan akong kumakain na may “medicine cabinet” on the side katabi ng adobo at sitsarong bulaklak. Karaniwan, lima hanggang pitong tableta at kapsula ang nasa isang tray na parang bahay ng gagamba. Magkakabukod ang gamot para sa almusal, tanghalian at hapunan.

Iyong tatlong layer na bahay ng gagambang box ay para sa maghapon pala iyon. Kung pitong tableta at kapsula sa maghapon, 21 pala ang daily maintenance ng ibang kaibigan kong seniors. Pero minsan, mas bata pa sa senior ang mga kaibigan kong may ganitong baon kahit saan kami magpunta.

Hindi biro ang gumastos para sa ganito karaming gamot kaya nga click sa kampanya kapag sinabing libre na ang maintenance meds ng mga matatanda.

Sa Oktubre 15 ngayong taon, tatanda na naman ako, 57 years old na! Sabi nila hindi naman dapat tingnan ang pagtanda bilang downside. Ika nga, aging is a gift deprived to so many.

Ang inaabangan ko, in three years time, wala nang puwedeng sumita sa akin kahit maglabas-pasok pa ako sa sinehan, lalo na kapag Lunes! QC Mayor Joy Belmonte, tutal nilibre mo na kaming mga seniors sa sine, puwede bang libre popcorn na rin?

At kapag may mahabang pila, palagi kang nasa una kapag senior ka na. At kung maghihintay ka naman sa pila, lalo na sa botika, may upuan ka pa.

Sa totoo lang, so far, inosente ako sa mga maintenance meds. Umedad na ako ng ganito, wala pa naman akong iniinom kahit isang maintenance na gamot kaya wala pang appeal sa akin ang kampanya ng mga pulitiko tungkol dito.

Ang misis ko, wala rin naman siyang maintenance kahit siya’y 55 na. Tinalo ko lang siya kasi, noong mag-40 years old na siya, medyo lumabo na ang kanyang paningin kaya mula noon hanggang ngayon, dalawa salamin niya, reading at pang-lakad. Hanggang ngayon, hindi pa rin naman ako nagsasalamin kahit nagbabasa or nagmamaneho.

Kung usapin ng uban or puting buhok, inggit din si misis sa akin kasi wala ako kahit isang puting buhok samantalang siya, kung hindi magkulay, ubos ang kanyang black hair. Marami rin akong kasabayan na mga kaibigan, kaklase at kamag-anak na kaedad ko pero puti na lahat ang buhok. Kung kailan ako magkakauban, hindi ko pa rin alam.

Pero sabi nga, lahat naman tayo ay patungo sa ating mga libingan habang lumalaon ang panahon kahit anong dami pa ng maintenance ang atong inumin. Tatanda lahat tayo at kakainin ng alabok ang ating katawang lupa.

Kung hanggang kailan ako mananatiling walang maintenance meds, hindi natin alam. Ang importante lang naman, tuloy ang lifestyle na nakagawian ko na magmula pa noong aking kabataan. Malakas naman ako kumain pero active body ako mula’t mula. Walang araw na hindi ako tumatakbo, lumalakad, jogging at nagbubuhat ng magaan lang na mga dumb bell. Isang oras at kung minsan ay isang oras at kalahati aking nag-eehersisyo.

Wala namang makapagsasabi kung hanggang kailan tayo at kung tama nga ang paraan ng ating mga pamumuhay. Marami na tayong nakitang atleta at super healthy body pero biglang nagkakasakit at kalaunan ay maagang pumapananaw.

Ang importante, live each day as if, it’s your last day. Enjoy, love your family, be good to others and be more closer to our Creator.

Have Blessed Saturday sa lahat!