Tambay

Tambay nagbasag ng bote, nanghalihaw ng saksak, huli

April 30, 2025 Edd Reyes 183 views

KALABOSO ang 27-anyos na tambay nang manghalihaw ng saksak, hawak ang binasag na bote, Martes ng gabi sa Malabon City.

Agad nadakip ng mga nagrespondeng tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan si alyas Rommel, residente ng Blk 14D, Lot 4, Phase 2, Area 3, Dagat Dagatan Brgy. Longos, matapos na humingi ng tulong sa pulisya ang kanyang pinsang call center agent na si alyas Maricel.

Sa ulat ng pulisya, sa hindi pa batid na dahilan ay biglang nagwala, nagbasag ng bote, at nanghalihaw ng saksak ang suspek dakong alas-9:10 ng gabi sa harap ng kanilang tirahan na muntik ng ikinasugat ng makinistang si Mars Delos Santos, 47, kaya’t humingi na ng tulong sa pulisya ang kanyang pinsan.

Nakumpiska ni Pat Amado Colminar Jr., ng Sub-Station 5 at barangay tanod na si Christopher Mercado sa suspek ang binasag na bote na gamit niya sa panghahalihaw ng saksak.

Kasong alarm and scandal at attempted homicide ang kakaharaping kaso ng suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE