
Tamang order
NAPAPAKAMOT na lang ng ulo ang ibang tao sa mga balitang may mga lugar sa iba’t-ibang parte ng mundo ang nagiging “crazy ang mga thermometer” dahil sa init ng panahon.
Sa Pilipinas nga ay marami na ang mga magulang at estudyante, lalo na sa elementarya at haiskul, ang nagrereklamo dahil mala-oven na umano ang init sa loob ng ilang mga silid-aralan.
May babala pa nga ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na makakaranas pa tayo ng mas mainit na panahon sa mga susunod na araw.
Mabuti na lang at may order na pala ang Department of Education (DepEd) na maaari pa lang mag-suspinde ng face-to-face-classes ang school heads kung sobrang init na ng panahon.
Ito ay nakapaloob sa isang memorandum-order na inisyu sa mga public at private school heads, ayon kay DepEd Spokesman Michael Poa.
Ang order ay nagbibigay kapangyarihan sa mga eskuwelahan na lumipat muna sa tinatawag na modular distance learning para hindi malagay sa alanganin ang kalusugan ng mga bata.
“Iba-iba po kasi ang situation ng ating mga paaralan. Kaya school heads po ang magde-determina (kung silay’y mag-switch sa altenative delivery modes (ADMs),” ayon pa kay Poa.
Alam naman ng lahat na may mga pribadong institutions of learning na may airconditioning units ang kanilang mga silid-aralan.
Ang talagang nakakaawa ang kalagayan ay ‘yong mga nag-aaral sa mga pampublikong paaralan, lalo na sa kanayunan, kasi maraming kuwarto dito ang ni walang electric fan man lang.
Harinawang may iba pang magagawa ang concerned government agencies para ma-address ang problemang ito na dulot ng lumalalang problema ng climate change sa buong mundo.
Sabi nga ng isang inang may tatlong anak na nag-aaral: “Let’s act now…and fast.”