Default Thumbnail

Tama ang direksyon ni Speaker Romualdez sa PUVMP

January 16, 2024 Paul M. Gutierrez 154 views

PaulMALINAW na hindi pinag-aralan mabuti itong Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) dahil lumalabas na sablay ang mga polisiya ng proyektong ito.

Sa ating talakayan kasama si kaibigang si Ariel Lim, ang pangulo ng National Transport Coalition, sa ating programa sa Radyo Pilipinas noong Sabado, lumutang, as in nabulgar, ang sangkaterbang problema ng naturang programa.

Lumalabas na hindi inaral mabuti ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga implikasyon sakaling magsulputan ang mga problema. Tila ang pinagtuunan lang ng pansin ay kung paano “kumita” ang iilang grupo gamit ang magandang intensyon ng programa.

Isa sa mga ibinunyag ni kasamang Ariel ang nakaambang pagdurusa ng mga driver, operators at mga mananakay.

Sa pagtatapos ng Enero ang deadline upang makasunod sa PUVMP ang mga pampublikong sasakyan (public utility vehicles, PUVs). Ano ang ibig sabihin nito, mga kabayan? “Colorum,” as in “iligal” na ang pamamasada at huhulihin na sila sa unang araw ng Pebrero.

Ito ang dahilan kung bakit matamlay ang ‘public support,’ sunod-sunod ang panawagan ng mga drayber para sa ‘transport strike,’ kung saan pinakahuli ang nangyari kahapon.

Ano ang implikasyon ng gustong mangyari ng DOTr at LTFRB?

“Magugutom” ang pamilya ng mga drayber at maliliit na operators dahil mawawalan na sila ng hanapbuhay, kasabay pa ng pagdurusa ng mga mananakay dahil limitado na ang kanilang masasakyan.

Ang solusyon daw ng mga “bright boys” sa DOTr ay ‘augmentation’ sa mga apektadong ruta, kung saan papayagan ang ibang kooperatiba na makabyahe sa ibang ruta.

Sino kayang “matataba” ang utak ang nagpanukala nito? Aba’y “ogags,” hindi ba dear readers?

Dangan kasi, “huhulihin” at tatanggalan ng prangkisa ang mga dati nang bumibiyahe, tapos papayagan makabiyahe ang iba sa hindi nila ruta? Hindi ba’t kolorum din sila dahil papasok sa hindi nila ruta?

Isa pang isyu, ay ang utang na hindi pa nababayaran sa Landbank na P274 milyon at sa Development Bank of the Philippines (DBP) na P1.8 bilyon. Ito ay sa kabila na kakaumpisa pa lang ng programa. Paano sa katagalan, siguradong mas lolobo pa ang mga utang.

Ang isang unit ng ‘modern jeep’ na itinutulak ng ilang mga ‘vested interest’ sa DOTr at LTFRB ay nagkakahalaga ng P2.8 milyon at huhulugan ng P27, 000 kada buwan. May matitira pa kaya sa mga drayber para sa pagkain ng pamilya nila at pag-aaral ng mga anak nila?

Ang masaklap, posibleng pumalo sa P40 ang minimum na pasahe at ang magdurusa dito ay ang mga mananakay. Kumbaga, commuters ang magsa-subsidize para mabayaran ang buwanang hulog sa sasakyan!

Sabi nga ni kasamang Ariel, suguradong hindi matutuwa ang Pangulong Bongbong Marcos kapag nalaman nito ang mga problema.

At sa bagay na ito, “pinaliguan” ni Pang. Ariel ng papuri si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez dahil sa ipinatawag nitong pagdinig sa Kongreso hinggil sa PUVMP noong Enero 10—kasehodang walang sesyon ang Kongreso sa nasabing araw! Kumbaga, nasa tamang direksyon si Speaker Martin na nakahandang makinig sa mga apektado kesa “magpabola” sa ilang mga opisyal d’yan sa DOTr at LTFRB.

Ayon pa kay Ariel, ‘first time’ daw silang nabigyan ng pagkakataon ng Kongreso na makapagsalita ng gusto nilang sabihin, partikular pa sa mga negatibong ibubunga nitong kasalukuyang bersyon ng PUVMP.

Dagdag pa ni Ariel, kay Speaker Romualdez sila “umaasa” ngayon tungo sa pansamantalang pagpapatigil nitong “kapritso” ng ilan sa mga nasabing ahensiya.

Aniya pa, “walang problema” sa modernisasyon ng ating mga PUVs. Ang problema ay ang mga “lihis” at mga “sablay” na mga polisiya sa pagpapatupad nito.

AUTHOR PROFILE