Default Thumbnail

Tagumpay ni General Eleazar, pakinabang ng bayan!

May 12, 2021 Allan L. Encarnacion 315 views

HINDI man natin kaibigan ang bagong Chief PNP na si General Guillermo Eleazar, natutuwa na rin tayo sa pagkakahirang sa kanya ni Pangulong Duterte bilang hepe ng pambansang pulisya.

Bagama’t nagkikita naman kami sa mga okasyon ng aming mga common friends, hindi ko naman masasabing magkakilala kami nang personal ni General.

Nasubaybayan naman natin si General magmula nang maging QCPD siya, nang maging NCRPO at Covid Shield Task Force commander.

Ang puwede kong sabihin kay General, kung mayroon mang tinatawag na General Consistent, siya na iyon!

Hindi ko nakitang bumaba ang intensity ni Eleazar sa pagpapatino ng PNP kahit saan siya maitalaga. Hindi lang siya puro PR stunt na ningas cigon dahil para siyang nasaksakan ng energizer battery na totoong tumatagal.

Ang totoo, long overdue na si Eleazar para maging hepe ng mahigit 200,000 police force ng bansa.

Nanghihinayang man tayo dahil sa Nobyembre ng taon na ang kanyang retirement, ang importante ay nagkaroon ng totoong hepe ang PNP na sagad to the bone ang malasakit sa organisasyon. Hindi ako magtataka kung si Eleazar ang ipalit kay Secretary Ano kapag bumitaw ito sa DILG dahil direktang under nito ang PNP. Alam nating maigsi ang six months para sa isang katulad ni General Eleazar subalit sapat ang panahong ito para maibangon niya ang madungis na reputasyon ng PNP.

Iyong marching order na kailangang malinis ang mga istasyon ng pulis ay indikasyon na may totoong lider na ang mga parak.

Alam naman natin ang hitsura ng ibang police station, kung hindi sobrang dumi, pagkakamalan mong kulungan ng baboy.

Bagama’t hindi naman lahat ay ganito, gusto natin sana na magkaroon ng standard ang police station na mukha siyang bahay na ang nakatira ay matitinong tao. Ang iniisip kong linis ay totoong malinis mula front desk, selda hanggang toilet. Pasensiya na po, iyong ibang banyo ng presinto, akala mo palaging may ebak convention sa sobrang dumi! Ito lang ang magawa ni Eleazar na consistent sa kalinisan ang mga presinto, aba’y isinusumpa ko, titino ang lahat ng pulis.

Naniniwala kasi ako na ang bahay, opisina o presinto ay repleksiyon ng taong naroon.

Dalangin natin ang katagumpayan ni General Eleazar dahil ang maayos niyang liderato ay pakikinabangan nating lahat bilang mamamayan.

Mabuhay ang Pambansang Pulisya!

[email protected]