
Taguig-Makati issue, hindi dapat pagmulan ng gulo
IBA ang totoong sitwasyon on the ground sa pagkakalipat ng bahagi ng Makati City sa pamamahala ng Taguig City.
Maraming residente, mga sektoral at mga negosyante mula tinatawag na Inner Fort o mga Barangay Pembo, Comembo, Cembo, Sotuh Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Post Proper Northside, Post Proper Southside at Barangay Rizal ang nagpapahayag ng kasiyahan sa naging pinal na desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang sakop sila ng Taguig City at hindi Makati City.
Katunayan, mismong si Mayor Lani Cayetano ang nagkumpirma sa atin na nagkaroon na ng “mass exodus” ang mga dating Makatizens matapos nilang mabalitaan ang paglipat nila sa pamamahala ng Taguig.
Marami nang mga grupo ang makailang beses nang nakipagpulong kay City Administrator Joel Montales dahil hindi na rin sila makahintay na makinabang sa mga benepisyong ipinagkakalaob ng Taguig.
Ayon sa local government ng Taguig, kabilang sa mga magiging biyaya ng mga bagong “anak ng Taguig” ay ang scholarship para sa mga estudyanteng nagtapos ng senior high school na gustong magkolehiyo sa mga pampubliko at pribadong unibersidad kahit saang parte ng bansa.
Binanggit din ng Taguig LGU na magbibigay din ang pamahalaan lokal ng P15,000 hanggang P50,000 taun-taon sa magiging scholars depende sa kurso na kukunin nito sa kolehiyo.
Sa totoo lang, hindi dapat pagmulan ng anumang kaguluhan ang isyung ito dahil unang-una, ang Korte Suprema naman ang nagdesisyon nito. Hindi naman ito masasabing kapritso ni Mayor Cayetano na pagkagising niya ay gusto na niyang sakupin ang mga barangay ng Makati.
Ang mas magandang puntos dito, hindi naman masasabing “barangay of milk and honey” ang bagong teritoryong masasakop ng Taguig kung ikukumpara sa High Street or Bonifacio Global City proper. Hindi ganoon kataas ang makukuhang real estate tax or Internal Revenue Allotment o IRA ng lungsod dahil hindi naman commercial area ang lugar.
Katunayan, sa populasyong 300,000, mabigat na obligasyon ito para kay Mayor Lani pero handa nilang balikatin ang pananagutan. Katunayan, matagal na silang tumatawag ng coordination meeting para sa transition period.
Pero kahit ganoon, super welcome kay Mayor Lani ang mga dating Makatizens kaya nga ang marching order niya sa mga department heads at kay Atty. Montales ay isama agad sa mga programa ang lahat ng mga mamamayang magiging bagong residente ng Taguig. Incidentally, halos lahat ng mga bagong mamamayan ng Taguig mula sa Makati ay nagpapadala na ng kanilang mga kinatawan kay Atty. Joel para makipagpulong at inaalam ang mga puwedeng maitulong ng city government sa kanilang lugar.
Hindi naman isyu rito kung Taguig or Makati, ang mas importante naman dito, dahil sa desisyon ng korte, kailangang kumilos din ang Taguig government para paglaanan ng mga benepisyo, serbisyo at iba pang programa ng lokal na pamahalaan. Hindi ito dapat pinagmumulan ng anumang sigalot.
Parehong serbisyo naman ang kailangan ng mga mamamayan saan mang lungsod sila masakop.