
Taguig handang ibigay benepisyo ng EMBO students
ITINANGGI ng mga opisyal ng Taguig City ang umano’y pahayag ng isang opsiyal ng Makati na tinanggihan nila “ang alok mula sa Makati na ipagpatuloy ang pagbibigay ng libreng uniporme, sapatos, supply at iba pang pangangailangan sa paaralan ng humigit-kumulang 30,000 mga mag-aaral sa pampublikong paaralan,” na apektado ng pinal na desisyon ng Korte Suprema na ibalik ang hurisdiksyon ng 10 barangay mula Makati sa Taguig.
Ang alok ay ginawa umano sa isang pulong na ipinatawag ng Department of Education (DepEd) noong Hulyo 18 na dinaluhan nina Mayor Abby Binay ng Makati at Lani Cayetano ng Taguig.
Ayon sa mga opisyal ng Taguig, hiniling ni Cayetano sa DepEd ang isang pulong dahil kailangan ng Taguig na paghandaan ang Brigada Eskwela at pagbubukas ng school year at tiyaking hindi maaabala ang mga serbisyo sa mga estudyante, guro at kawani.
Iginiit ni Cayetano na dapat pagtuunan ng pansin ang darating na Brigada Eskwela at pagbubukas ng school year.
Inilabas ng DepEd ang kanilang Regional Memorandum Order No. 2023-735 na nag-utos na ilipat ang pamamahala at pangangasiwa ng mga apektadong pampublikong paaralan mula sa Dibisyon ng Makati City patungo sa Dibisyon ng Taguig at Pateros. Kasama rito ang bilang ng mga mag-aaral sa bawat antas ng baitang, bilang ng mga empleyado ng paaralan na kinukuha ng lungsod, mga uri ng benepisyong ibinibigay sa mga mag-aaral at guro, at iba pang nauugnay na impormasyong kinakailangan para sa pagpaplano para sa mga paaralan sa EMBO.
Narito ang pahayag ng mga opisyal ng Taguig:
“Handa ang Taguig na ipaabot sa ating mga bagong mag-aaral sa EMBO ang lahat ng mga benepisyong ibinibigay natin sa kasalukuyan sa ating mga mag-aaral – hindi lamang mga libreng gamit sa paaralan, uniporme at sapatos, kundi mga scholarship para sa lahat (hindi lang ang nangungunang 10%) mula P15,000-P110,000 para sa mga kumukuha ng vocational, two-year o four-year courses; mga kumukuha ng master’s at doctorate degree; at ang mga nagre-review para sa board at bar exams.
Muli naming inuulit na taos-puso naming tinatanggap ang aming mga bagong nasasakupan. Mas lalo kaming magsisikap na palawakin at pagbutihin ang mga serbisyong inihahatid namin para sa aming mga bagong residente. Upang makamit ang layuning ito nang walang karagdagang pagkaantala, nakikiusap si Taguig sa Makati na makipagtulungan at i-turn over sa Taguig – kahit man lamang bilang paunang hakbang:
1. ang listahan ng mga Senior Citizens at Persons with Disabilities upang masimulan natin silang bigyan ng door to door ang kanilang mga regalo sa kaarawan;
2. ang listahan ng mga residenteng may asthma, hypertension at diabetes para maihatid natin buwanang bahay-bahayan ang kanilang mga maintenance na gamot;
3. ang listahan ng mga residenteng nakahiga sa kama upang ang ating mga tauhan ng kalusugan ay mabisita sila nang regular at mabigyan sila ng pangangalaga sa bahay;
4. ang listahan ng mga nagbabayad ng buwis upang agad nilang ma-avail ang ating mas mababang rate ng buwis;
at 5. ang mga lansangan sa EMBO para tamasahin ng mga motorista ang No Number Coding policy ng Taguig.”