
Suporta ng coops, food producers dapat makuha ng mga magsasaka — Laurel
DAPAT makuha ang suporta ng mga kooperatiba at food producers ng mga magsasaka para makapag-suplay ng mga abot-kayang pagkain sa mga KADIWA center, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Nagpahayag ng pag-asa si Tiu Laurel na mapaigting ang Bayanihan Spirit upang maisakatuparan ang layunin ng kanilang programa na “KADIWA sa BayanAnihan,” at makapag benta ng P29 per kilo ng bigas.
Pangunahing layunin ng programa ang makapagbenta ng mga abot-kayang pangunahing bilihin, hindi lamang bigas, at iba pang produktong agrikultura sa mga KADIWA center na inilagay sa buong bansa.
Inaasahan ng DA ang mga “Kabayani” farmers group at mga food company na magsuplay ng kanilang produkto tulad ng gula, itlog, manok, baboy, isda, asukal, spices, mga de lata, mantika, toyo, suka at noodles na maibebenta bilang wholesale price.
“Whatever funds KADIWA centers and the Food Terminal Inc. make from this ‘Kabayani’ initiatives will be utilized to help sustain the P29 rice program,” dagdag pa ni Tiu Laurel.
Layunin ng programa na makapagbenta ng murang bigas sa 34 milyon na Pilipino. Isinasagawa kasalukuyan ang large-scale trial upang makakalap ng mahalagang datos hinggil sa demand, supply at logistics.
Sa unang dalawang linggo ng pagpapatupad ng large-scale trial, mahigit sa 12.7 metriko tonelada ng bigas ang naibenta sa mahigit na 25,000 na kabahayan.