Sunog

Sunog sa Valenzuela inabot ng 2 araw

April 21, 2025 Edd Reyes 233 views

INABOT ng dalawang araw bago naapula ang malaking sunog sa malaking bodega ng plastic sa Valenzuela City noong Biyernes hanggang Linggo.

Dakong alas-6:12 noong Linggo ng gabi idineklarang fire out ang sunog na nagsimula pa noong Biyernes ng alas-5:21 ng hapon sa bodega ng Flexo Manufacturing Corporation sa T. Santiago St. Brgy. Veinte Reales.

Sa ulat ng Valenzuela Bureau of Fire Protection (BFP), unang iniulat ang pagsiklab ng apoy mula sa mga pira-pirasong plastic sa gilid ng bodega na ginagamit sa pag-iimpake ng mga produktong pero dahil sa init at lakas ng hangin, nadamay pati ang loob ng bodega.

Noong Sabado ng alas-8:12 ng umaga, idineklara ng BFP na kontrolado na ang sunog subalit dakong alas-1:09 ng hapon ng Linggo muling sumiklab ang apoy.

Naideklara lamang na fire out na ang sunog matapos gumamit ng backhoe ang BFP na hahalukay sa mga nasunog na plastic para bombahin ng tubig ang ilalim na pinagmumulan pa rin ng sunog.

Walang iniulat na nasaktan o nasawi sa sunog at wala ring nadamay na kabahayan, ayon sa BFP.

Inaalam pa kung magkano ang tinatayang halaga ng natupok na ari-arian na posibleng umabot sa milyon-milyong piso bunga ng pagkatupok ng mga produkto sa loob ng bodega.

AUTHOR PROFILE