Fire

Sunog sa Valenzuela 1 araw bago napatay

September 29, 2023 Edd Reyes 269 views

UMABOT ng halos isang araw bago naapula ng mga bumbero ang sunog sa bodega sa Valenzuela City.

Sinabi ni Valenzuela City Mayor WES Gatchalian na kinailangan nilang ilikas ang 803 tao na naninirahan malapit sa nasusunog na bodega ng Herco Trading sa G. Molina St., Brgy. Bagbaguin, Valenzuela.

Nagsimula ang sunog Huwebes ng hapon at naapula lang Biyernes ng tanghali.

Pansamantala ring inilikas ang 26 na pamilya sa Ames Evacuation Center sa Brgy. Bagbaguin; 31 pamilya sa 3S Center Multipurpose Hall; 117 pamilya sa Pedro Santiago Evacuation; at 41 pamilya sa 3S Covered Court sa Brgy. Canumay East.

Sobrang itim ng usok na ibinubuga ng nasusunog na bodega dahil sa mga pintura at iba’t-ibang gamit at hardware.

Gumamit pa ng kemikal ang mga bumbero para ma-kontrol ang apoy na umabot sa Task Force Bravo.

Hindi kaagad pinabalik hanggang Biyernes ng tanghali ang mga inilikas na pamilya bilang preemptive measure dahil lubhang delikado sa kalusugan ang maitim na usok na kanilang malalanghap, ayon sa alkalde.

Biyernes ng umaga pinulong na ni Mayor Gatchalian ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), mga pulis, City Social Welfare and Development Office, mga manggagawa ng Herco Trading, Disaster Risk Reduction Council at mga opisyal ng barangay na nakakasakop sa lugar para alamin kung ano ang maitutulong nila sa mga nawalan ng trabaho sanhi ng malaking sunog.

”Mayor Wes is concerned on the welfare of the displaced workers of Herco and the residents na dinala sa evacuation sites.

We are still assessing the area kaya di pa advisable na pabalikin ang residents sa mga bahay nila,” ayon kay Mara Salazar, hepe ng Public Information Office (PIO) ng Valenzuela City.

AUTHOR PROFILE