Acorda

Sunog sa schools sa Mindanao, Bicol iimbestigahan ng PNP

October 30, 2023 Zaida I. Delos Reyes 506 views

PINAIIMBESTIGAHAN na ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang apat na sunog sa mga elementary schools sa Maguindanao, Northern Mindanao at Bicol na gagamitin sana para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.

Inatasan na ni Acorda ang kanyang mga tauhan na tugisin ang mga suspect na nasa likod ng pagsunog.

Kasama sa nasunog ang Ruminimbang Elementary School sa Barira, Maguindanao. Ilang classrooms ang nadamay sa naturang sunog.

Dakong alas-4:00 ng hapon noong Linggo nasunog ang Dalican Pilot Elementary School sa may Poblacion, Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Sur.

Nakapagtala din ng isang sunog sa Region 10 (Northern Mindanao) at isa sa Region 5 (Bicol).

Ayon sa heneral, inatasan na niya ang PNP na tutukan ang imbestigasyon hanggang sa makapagsampa ng kaso laban sa mga suspek.

Tiniyak ni Acorda na sa kabila ng mga sunog, natuloy ang eleksyon sa mga nabanggit na lugar at wala masyadong epekto ang sunog.