Fire

Sunog inabot ng isang araw

September 29, 2023 Edd Reyes 298 views

UMABOT sa halos isang araw ang ginawang pag-apula ng mga bumbero sa nasusunog na malaking bodega na nagsimula Huwebes ng tanghali sa Valenzuela City.

Sa pahayag ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, kinailangan nilang ilikas ang may 215 pamilya o kabuuang 803 katao na naninirahan malapit sa nasusunog na bodega ng Herco Trading sa G. Molina Street, Barangay Bagbaguin, hindi dahil sa nasunog ang kanilang tirahan kundi dahil sa maitim at makapal na usok na dulot ng sunog.

Pansamantala muna nilang inilikas ang 26 na pamilya sa Ames Evacuation Center sa Bgy. Bagbaguin, 31 pamilya sa 3S Center Multipurpose Hall at 117 pamilya sa Pedro Santiago Evacuation Center na pawang nasa Bgy. Paso De Blas, at 41 pamilya sa 3S Covered Court sa Bgy. Canumay East.

Ayon sa mayor, lubhang maitim ang usok na ibinubuga ng nasusunog na bodega dahil naglalaman ito ng mga pintura at iba’t ibang uri ng mga gamit at hardware.

Kaya’t kinailangang aniyang gumamit pa ng kemikal na pamatay sunog ang mga bumbero upang makontrol ang apoy na itinaas nila sa Task Force Bravo.

Hindi kaagad pinabalik hanggang Biyernes ng tanghali ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang mga inilikas na pamilya bilang preemptive measure, dahil lubhang delikado sa kalusugan ang maitim na usok na kanilang malalanghap kung mananatili sila sa kanilang tahanan na malapit lamang sa nasusunog na bodega.

Biyernes ng umaga ay pinulong na ni Gatchalian ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection, kapulisan, City Social Welfare and Development Office, mga manggagawa ng Herco Trading, Disaster Risk Reduction and Management Council at mga opisyal ng barangay na nakakasakop sa lugar upang alamin kung ano ang maitutulong nila sa mga nawalan ng trabaho sanhi ng malaking sunog.

”Mayor Wes is concerned on the welfare of the displaced workers of Herco and the residents na dinala sa evacuation sites. We are still assessing the area kaya di pa advisable na pabalikin ang residents sa mga bahay nila,” pahayag ni Mara Salazar, ang hepe ng Public Information Office ng Valenzuela City.

AUTHOR PROFILE