Allan

Sumulong na tayo sa bagong Saligang Batas

May 17, 2024 Allan L. Encarnacion 189 views

KUNG mayroon man tayong pagkakatulad sa kabila ng ating magkakaibang paniniwalang pulitikal, iyon ay ang pag-aasam nating umunlad ang ating bansa.

Ang indikasyon ng kaunlaran ay ang pagkakaroon ng hindi lang sapat na pagkain ng iilang pamilya, bagkus ay sapat na ilalaman sa sikmura ng bawat mamamayan.

Pero mangyayari lamang ito kung may hanapbuhay ang ating mga kababayan, iyong hanabuhay na abot kamay nila ang kanilang mga mahal sa buhay, iyong hindi na kailangan mangibang bansa para kumita.

Aminin man natin o hindi, ang mga umaalis para magtrabaho ay iyong mga kababayan nating hindi nakatagpo ng opurtunidad dito sa atin. Malayo nga sa pamilya, malaki naman ang kita.

Hindi ito libre dahil may malaking social cost ito. Sa pag-alis ng nanay or tatay, may mga anak na naiiwanan, nawawala na iyong pagkalinga, nawawala na iyong paggabay, hindi na dumadampi ang mainit na yakap sa isa’t isa. Ilang pamilya na ba ang nawasak dahil sa pagtatrabaho sa ibang bansa ng isang miyembro?

Hindi lang ito sa pisikal na pagkakalayo dahil mas may masakit ding katotohanan na nawawasak ang pamilya dahil nasangkot sa ibang pag-ibig ang isa sa kanila, iyong naroon man sa abroad or iyong naiwan dito sa bansa. Hindi ito para bigyan ng katwiran subalit sa madalas na pagkakataon, ang kalungkutan at pananabik ang nagiging sanhi ng pagkahulog sa iba at bagong pag-ibig.

Umaayos ang kabuhayan subalit nawawasak ang tahanan. Kaya nga importanteng dito pumasok ang lalo pang pagpapalawak ng mga oportunidad dito sa atin.

Isa sa mga susi dito ang ilang dekada nang isinusulong na economic chacha or Charter change na magbubukas ng parehas at malawak na pagkakataon para sa mga dayuhang negosyante. Ang Singapore, Hong Kong, Thailand, Malaysia at Vietnam ay nag-iba ang estado ng kanilang ekonomiya nang buksan ang kanilang pintuan sa mga foreign investors.

100% ang ownership ng mga negosyanteng nagbukas ng kanilang mga negosyo sa mga naturang bansa kaya ganoon na lamang kalakas ang kanilang Gross Domestic Products at ang Foreign Direct Investment. Kung ikukumpara dito sa atin, 60-40 lang ang pinapayagan para sa mga dayuhan na nakasaad sa ating Saligang Batas.

60% dapat ay pag-aari ng mga Pinoy at 40% lang ang dapat maging kontrol ng dayuhan. Hindi ito maganda sa panlasa ng mga multinational company. Kailangan pa nilang humanap ng Pinoy partners na makakahati para makapagbukas ng negsosyo—at tiyaking hindi tuso or hindi sila gugulangan ng kanilang makukuha.

Magmula pa kay FVR, Erap, Gloria, Noynoy hanggang kay Duterte ay tinangka nang amyendahan ang 1987 Constitution para makasabay sa mga pagbabago ng panahon subalit hindi nangyayari.

Hindi ba natin naiisip na wala pang cellphone nang gawin ang Saligang Batas noong 1987, wala pang internet, wala pang smart tv at lalong wala pang AI kaya dapat maging praktikal din tayo sa pagbabago.

May bersiyon na ang Senado at mayroon na ring bersiyon ang Kongreso. Ang kailangan na lamang ay pag-isahin at magkaroon ng parehas na layunin.

Masyado na tayong napag-iiwanan ng ating mga kapitbahay na bansa dahil lang sa pag-iiringan natin sa mga bagay na dapat nating pinagkakasunduan.

Kaya maraming multi-national company ang nagtayuan na sa iba’t ibang bansa pero iniisnab ang Pilipinas dahil lang sa hindi natin mabago ang economic provision na masyadong istrikto laban sa mga foreign investors.

Kailan ba nating aayusin ang gulong ito? Kapag naubos na ating mga nurse? Kapag naubos na ang ating mga engineer? Kapag naubos na ating mga kababayan para maging factory workers, care givers at domestic helper sa dayuhang bansa?

Tigilan na natin ang ating mga kapraningan, sumulong na tayo sa bagong Saligang Batas para sa ating ekonomiya.

[email protected]