Default Thumbnail

*Sugalero, lasenggo, adik sipain sa 4Ps*

July 12, 2022 Erwin Tulfo 717 views

TulfoBILANG NA ANG MGA ARAW ng mga nakakatanggap ng ayuda mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na gumagamit ng kanilang cash grants sa pagsusugal, pag-iinom ng alak at pagka-adik sa iligal na droga.

Bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) inutos ko na linisin nang mabuti ang listahan ng mga beneficiaries ng 4Ps at sipain na ang mga hindi karapat-dapat.

Idinaraos ngayong araw ang Midterm Assessment of Grievance Redress System (GRS) kung saan nagtipon-tipon ang mga national at regional implementors ng 4Ps para talakayin at solusyonan ang mga problema sa operasyon at pamamahala ng naturang programa.

Nais kong ipatupad ang drug-testing bilang isa sa requirements sa paggawad ng benepisyo ng 4Ps. No drug test, no ayuda.

Paiigtingin din natin ang pagbabantay sa mga gumagamit ng kanilang cash grants sa pagsusugal, paglalasing at pagkagumon sa shabu o iba pang iligal na droga.

Napag-alaman natin na libu-libo ang nakakarating na reklamo laban sa mga 4Ps recipients na nagugumon sa bisyo at isinasangla pa ang kanilang ATM cash cards sa mga loan sharks na nagwi-withdraw ng pera sa mga ATM mula sa multiple 4Ps accounts.

Kakalusin natin ang mga nag-aabuso sa sistema at nakakahuha ng benepisyo dahil lamang sila ay may koneksyon at hindi naman totoong naghihirap.

Marami tuloy ang mga nagdarahop na nananatili sa waiting list ng 4Ps dahil sa red tape at kawalan ng koneksyon sa barangay at lokal na tanggapan ng social welfare.

Alisin natin ang red-tape at hwag nating pagpasa-pasahan ang mga kababayan natin na desperadong makahingi ng tulong dahil sa sobrang kahirapan.

Dahil sa kawalan ng hanapbuhay noong panahon ng lockdown sa kasagsagan ng Covid-19 pandemic, lalung lumala ang kahirapan.

Sinundan pa ang pandemya ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mga natural disaster at kalamidad.

Huwag nating hayaang pagsamantalahan ng mga demonyo ang 4Ps kung saan ang ibinibigay na ayuda sa poorest of the poor ay inuutang pa ng gobyerno sa ibang bansa.

AUTHOR PROFILE